Hoy, mga Gokongwei, huwag kayong barat! | Bandera

Hoy, mga Gokongwei, huwag kayong barat!

Ramon Tulfo - June 20, 2013 - 12:47 PM

MUKHANG minamalas ang Cebu Pacific Airways.

Maraming pangyayaring palpak ang kinasangkutan ng mga eroplano ng Cebu Pacific kamakailan.

Sumubsob ang isang eroplano ng Cebu Pacific sa runway habang naglalanding ito sa Davao International Airport mga dalawang linggo na ang nakararaan.

Ilang minuto bago sumubsob ang eroplano, sinagasaan ng isa pang eroplano ng Cebu Pacific ang runway lights sa nasabing airport.

Ang pagkasira ng ilang ilaw sa runway ang naging dahilan ng pagkasubsob ng eroplano ng Cebu Pacific.

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nasagasaan naman ng isa pang eroplano ng Cebu Pacific ang ilang runway lights habang ito’y nagta-taxi sa runway.

Sa Naga City, sumabit ang isang ibon sa elisi ng Cebu Pacific airplane habang papalapag ito na naging dahilan sa grounding ng nasabing eroplano.

Ano ba ang ibig sabihin ng mga pangyayaring di inaasahan ng Cebu Pacific?

Kamalasan nga ba ito?

Ang kamalasan na dumarating sa isang tao ay sanhi daw ng may pinagbabayaran ito sa Sanlibutan (Universe).

At dahil hindi naman tao ang kumpanya, ang mga may-ari nito ang may gawa ng kamalasan.

May ginawa bang malaking pagkakamali ang Cebu Pacific na ito’y minamalas?

Tanging ang mga may-ari ng Cebu Pacific ang makakapagsagot ng katanungang yan.

Pero ang nakikita ng inyong lingkod ay ang hindi magandang serbisyo ng airline sa mga pasahero nito.

Dahil mababa ang singil ng airline, wala na itong pakialam kung masyadong pangit ang serbisyo nito sa mga pasahero.

At dahil wala namang ibang eroplano na nagbibigay ng ganoong discount fares, hindi na umaangal ang mga pasahero sa pangit na serbisyo sa kanila ng airline.

Sa Singapore airport, halimbawa, isang pasaherong lumpo na nangailangan ng wheelchair ay napilitang maglakad dahil ayaw bayaran ng airline ang paggamit ng wheelchair.

Sa NAIA terminal 2, bumababa sa hagdanan ang mga pasahero ng Cebu Pacific at naglalakad sa runway hanggang terminal dahil hindi gumagamit ang airline ng airbridge.

Ayaw kasi ng airline na magbayad ng kaunting halaga para sa paggamit ng airbridge.

Maraming pagka-kataon na nawawala ang bagahe ng pasahero dahil naiwan sa airport na kanilang pinanggalingan.

Pinakikita yata ng Sanlibutan (Universe) sa pamilya Gokongwei na nagmamay-ari ng Cebu Pacific na ang kabaratan nila na nagiging resulta ng masamang serbisyo ay walang patutunguhan.

Ang naiipong pera ng mga Gokongwei dahil sa kanilang kabaratan ay maaaring mapunta sa pagkasira ng kanilang eroplano o kaya—God forbid!—ang pagkakaroon ng mas malaking sakuna.

Hoy, mga Gokongwei, itigil na ninyo ang inyong kabaratan at umayos na kayo sa serbisyo ninyo sa mga pasahero!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ang mga nangyaring mga kamalasan na dinaranas ninyo ay dala marahil ng inyong masamang serbisyo sa inyong mga kliyente.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending