‘Siguradong mai-in love kayo sa ganda at kalinisan ng Siargao!’
SUCCESSFUL ang ginanap na premiere night ng pelikulang “Siargao” sa Trinoma Cinema 7 nitong Miyerkules ng gabi na dinaluhan ng lead cast, sa pangunguna nina Jericho Rosales, Jasmine Curtis at Erich Gonzales kasama ang direktor nilang si Paul Soriano.
Hinahanap ng mga tao si Enchong Dee na may special participation sa pelikula pero hindi raw umabot dahil sa trapik at ang asawa naman ni direk Paul na si Toni Gonzaga ay may prior commitment.
Tama si direk Paul sa sinabi niya sa grand presscon ng “Siargao” na, “You will fall in love with Siargao!” Dahil dito, isasama ko na sa aming bucket list ang pagpunta roon dahil nais din naming ma-experience ang nasabing lugar.
Bagay ito sa mga mahilig mag-soul searching at tama rin si Echo sa sinabi niya kay Erich na “eat, pray and love” ang drama nito kaya nagpunta ng Siargao.
Kahit cameo role lang si Enchong ay malaki ang naging bahagi niya sa kuwento ng buhay ng karakter ni Erich na nagpunta nga ng Siargao para magmuni-muni at piliting makapag move on dahil sa kanilang break-up.
Nagkakilala roon sina Erich at Echo na parehong gustong makalimot sa mga problema pero hindi pwedeng maging sila dahil may ibang mahal ang binata, ang karakter ni Jasmine na naghihintay lang sa kanya sa Siargao. Kaya lumalabas na thirdwheel si Erich.
Perfect ang kapaligiran ng Siargao bilang backdrop ng pelikula, kaya pala ito dinarayo ng mga turista ay dahil sa tahimik ang isla at napakalinis pa. Maging ang mga tao roon ay magkakakilala talaga dahil maliit lang ang lugar.
Virgin island pa kung maituturing ang Siargao at sana’y mapanatili ng mga local official doon ang kalinisan nito at hindi matulad sa Boracay na kaliwa’t kanan na ang mga restobar.
Hindi na kami masyadong magkukuwento tungkol sa istorya ng “Siargao” dahil mas magandang kayo na ang maka-experience kung gaano kaganda ang pelikula. Sabi nga ni direk Paul, “Enjoy and have fun watching the movie.”
Kasama ang “Siargao” sa mga official entry sa 2017 Metro Manila Film Festival na mapapanood na sa Dis. 25. Kasama rin dito sina Suzette Ranillo, Will Devaughn, Roxanne Barcelo at marami pang iba, mula sa Ten17 Productions.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.