IGINIIT ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na walang katiwalian sa pinasok na deal ng kanyang gobyerno sa Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Sa ikalawang yugto ng pagdinig ng Senado kaugnay sa umano’y anomalya dengue vaccine, ipinaliwanag ni Aquino na agarang aksyon ang kinakailangan noong 2010 dahil maaring umabot sa 2.8 milyon Pilipino ang posibleng tamaan ng dengue.
Aniya, batay sa ulat ni dating Health Secretary Enrique Ona, limang rehiyon sa bansa ang nagsitaasan ang kaso ng may dengue noong nasabing taon.
Tatlo sa limang lugar na iyon ang higit 100 porsyento ang itinaas ang kaso ng dengue habang pumalo naman sa mahigit 1,400 porsyento naman ang iniakyat ng mga kaso sa Region 8.
Matatandaan na umabot sa P3.5 bilyon ang ginastos ng pamahalaang Aquino para sa pagbili ng nasabing dengue vaccine na kalaunan ay sinabing may dalang panganib para sa mga hindi pa nagkaroon ng nasabing sakit.
Maliban kay Aquino, dumalo rin sa magkasanib na pagdinig ng Senate blue riibbon committee at commitee on health sina dating Executive Secretary Paquito Ochoa at dating Department of Budget and Management Secretary Butch Abad.
Samantala, sinopla ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Atty. Ferdinand Topacio sa ginawang pagdidiin nito kay Aquino.
Binasa ni Topacio ang position paper ng Volunteer Against Crime and Corruption kung nakalagay doon na dapat na sampahan ng plunder ang dating pangulo at iba pang dating opisyal na sangkot sa procurement ng Dengvaxia vaccine.
Hirit ni Drilon na ang isinasagawa pagdinig ay “in an aid of legislation” at hindi para sa prosekusyon ni Aquino.
Idinagdag ni Drilon na dumalo sa pagdinig ang dating pangulo bilang resource person at hindi dapat inaakusahan ng plunder nang walang basehan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.