Joross, Edgar Allan naloka sa ipitan challenge: Ang sakit pala!
KUNG may isang bagay na hinding-hindi malilimutan nina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman sa paggawa nila ng pelikulang “Deadma Walking”, ‘yan ay walang iba kundi ang “ipitan challenge.”
Kasama sa Magic 8 ng 2017 Metro Manila Film Festival ang “Deadma Walking” na isang “coma” (comedy-drama) sabi nga ni Joross. Punumpuno raw ng katatawanang eksena ang pelikula pero paiiyakin din daw nila ang mga manonood.
Parehong beki ang role nina EA at Joross sa “Deadma Walking” pero siniguro ng dalawang versatile actor na level-up ang pagiging bakla nila sa movie na tiyak na ikatutuwa at ikababaliw ng viewers.
Ayon kina EA at Joross, bukod sa akting, kinailangan din nilang itago ang kanilang mga bukol dahil may mga eksenang kailangan nilang magdamit-babae, lalo na sa drag show.
Sey ni Joross, “Ang hirap pala nu’n, effort talaga! Tsaka may paraan pala talaga para hindi bumukol.Ganu’n pala ‘yon. Ang sakit! Ha-hahaha! Du’n pa lang, sobrang challenging na ng role namin ni EA!” tawa nang tawang chika ni Joross kahapon nang makachika namin sa presscon ng “Deama Walking”.
Hirit naman ni EA, “Sabi ko nga, ngayon alam ko na ang feeling ng mga drag performers. Hindi siya biro, kaya mas tumaas pa ang respeto ko sa kanila. Grabe ang sakripisyo na ginagawa nila para lang makapag-perform at makapagpasaya ng mga tao!”
Ayon pa kay EA, isa sa naging peg niya sa pagganap sa kanyang role sa movie ay ang kanyang kapatid na beki, “And I’m very proud of him. Hindi ako nahihiyang sabihin na meron akong kapatid na bading dahil isa siyang mabuting tao.
“Hindi naman ako nanghingi ng advice sa kanya kung paano ko gagawin yung role, siguro ‘yung every night na magkasama kami sa isang bahay, enough na ‘yon para makita ko at makakuha ako sa kanya ng nuances ng pagiging isang bading,” ani EA.
Gagampanan ni Edgar Allan ang karakter ni Mark, ang BFF ni John to be played by Joross. Malapit nang mamatay si John dahil sa sakit na cancer.
Para malaman ang “huling paalam” ng mga taong nagmamahal sa kanya, gagawa sila ng pekeng lamay. At dito na nga iikot ang nakakalokang kuwento ng “Deadma Walking”.
q q q
Matagal nang magkaibigan sina Joross at EA kaya hindi na raw sila nahirapan para maiparamdam sa manonood ang kanilang chemistry bilang mag-BFF, “Sabi ko nga sa kanila, feeling ko ngayon gay na kami ni EA. Actually, ‘yung mga binibili kong mga damit puro pink na, eh!”
Sa presscon, todo-pasalamat din sina Joross at EA sa malalaking artistang nag-guest sa “Deadma Walking” tulad nina Piolo Pascual, Gerald Anderson, Iza Calzado, Eugene Domingo at marami pang iba.
Sa tanong kung ano ang matututunan ng mga manonood kapag pinanood nila ang movie, sagot ni EA, “Yung real friendship. Kasi ibang klase talaga ‘yung samahan nina John at Mark. Maiisip mo after watching the film kung ano pa ‘yung kaya mong i-sacrifice para sa isang kaibigan.”
Sey naman ni Joross, “Tingin ko, aside from the friendship, tungkol ito sa selfless love, yung ibibigay mo ang pagmamahal mo sa isang tao na walang kapalit, matututo kang magsakripisyo para sa kaibigan mo kahit na alam mong may naghihintay na consequences.”
Ang “Deadma Walking” ay sa direksyon ni Julius Alfonso under T-Rex Entertainment Productions. Showing na ito sa Dec. 25 sa mga sinehan nationwide bilang bahagi ng MMFF 2017.
Samantala, ilang celebrities na ang nakapanood ng “Deadma Walking” sa nakaraang special screening nito kabilang na sina Angel Locsin at Empoy Marquez. At highly-recommended nila ang pelikula.
Rated PG ang pelikula mula sa MTRCB at Grade A naman ang binigay ng Cinema Evaluation Board, kaya alam na!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.