Laro sa Linggo
(Araneta Coliseum)
4 p.m. Ateneo vs La Salle
IPINAMALAS ng De La Salle University ang katatagan bilang nagtatanggol na kampeon matapos itong umahon mula sa 21 puntos na paghahabol bago napuwersa ang matira-matibay na Game 3 sa pagbigo sa Ateneo de Manila University, 92-83, sa Game 2 ng best-of-three series ng UAAP Season 80 men’s basketball finals sa harap ng 15,286 manonood sa Smart Araneta Coliseum Miyerkules.
Nilimitahan ng Green Archers sa walong puntos ang Blue Eagles sa ikatlong yugto habang inihulog ang 26 puntos upang matikman ang kalamangan, 60-58, bago tuluyang lumayo para sagipin pa ang nanganib nitong mabitiwan na korona sa pagtabla sa pangkampeonatong serye sa tig-isang panalo.
Nagtulong-tulong sina Ricci Rivero, Andrei Caracut, Kib Montablo, Ben Mbala, Rasleigh Rivero at Leonard Santillan upang kumpletuhin ang pag-ahon sa pagtala pa nito ng 68-59 bentahe sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Ilang beses pa nagpilit ang Blue Eagles, na itinala ang pinakamalaking kalamangan, 49-28, sa ikalawang yugto, na tapusin na agad ang pangkampeonatong serye sa paghulog nito ng 11-6 bomba tampok ang pitong sunod na puntos ni Aaron Black para dumikit sa 70-74.
Gayunman, gumanti ang La Salle sa pagbagsak ng 8-0 bomba para itala ang pinakamalaki nitong kalamangan sa 82-70, may 4:23 pa sa laro na sinandigan na nito tungo sa pagpuwersa ng matira-matibay na labanan para sa tatanghalin na kampeon sa ika-80 taon ng torneo.
Pinangunahan ng Season 79 at 80 MVP na si Ben Mbala ang Green Archers sa kinolekta nitong 20 puntos, 16 rebounds, 2 assists, 3 steals at 4 blocks upang makabawi sa kanyang huling laro kung saan mayroon lamang itong walong puntos at 18 rebounds.
Mayroon naman 18 puntos, 5 rebounds at 4 assists si Rivero habang si Caracut ay may 13 puntos Ang nagbabalik na si Aljun Melecio ay nagtala muli ng 12 puntos, 3 rebound at 2 assist habang si Kib Montalbo ay may 9 puntos, 2 rebound, 5 assist at 3 steals.
Agad na dinomina ng Blue Eagles ang unang yugto matapos na itala ang 15-puntos na abante tampok ang isang tres ni Ferdinand Ravena III para sa 24-9 abante.
Nagawa pa itong itaas ng Ateneo sa pinakamalaking 21 puntos na kalamangan sa 49-28, may 3:06 pa sa ikalawang yugto bago na lamang naghabol ang nagtatanggol na kampeong De La Salle na nagawang maibaba sa siyam ang paghahabol sa pagtatapos ng unang hati sa 42-51.
Hindi pinaiskor ng Green Archers sa mahigit na tatlong minuto ang Blue Eagles upang ihulog ang 13-2 bomba tungo sa pagdikit ang labanan matapos ang dalawang yugto sa pitong puntos na lamang na paghahabol tungo sa krusyal na huling dalawang yugto .
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.