SAN ANTONIO — Sa kauna-unahang pagka-kataon sa season na ito ay isiningit ni San Antonio coach Gregg Popovich si Manu Ginobili sa starting lineup ng Spurs.
Rumesponde naman si Ginobili na kumulekta ng 24 puntos at 10 assists para pangunahan ang opensa ng Spurs na may 3-2 bentahe na sa serye.
Malaking bagay ang pagputok ni Ginobili na hindi gaanong nakatulong sa Spurs sa unang apat na laro ng Finals. Sa katunayan, ito ang unang pagkakataon na umiskor ng 24 puntos si Ginobili mula nang gumawa siya ng 34 puntos noong Hunyo 4, 2012 laban sa Oklahoma City Thunder.
Tumulong din si Danny Green na gumawa ng NBA Finals three-point record. Si Green ay mayroon nang naibuslong 25 three-pointers, kabilang ang anim na kanyang tinira kahapon.
Siya ay nagtapos na may 24 puntos at tumira ng 6-of-10 mula sa three-point area. Si Green ay nag-a-average ng 18 puntos kada laro sa Finals na halos walong puntos na mahigit sa season average niya na 10.5 puntos kada laro.
Nag-ambag naman ng 26 puntos si Tony Parker habang si Tim Duncan ay may 17 puntos at 12 rebounds para sa Spurs na namumuro na para sa ikalimang kampeonato sa liga.
Ang Game Six ng kanilang best-of-seven series ay nakatakda bukas sa Miami.
Ang Game Seven, kung kinakailangan, ay lalaruin sa Biyernes sa home-court pa rin ng Heat.
Sa kabuuan, tumira ng 42-of-70 (60%) field goal ang Spurs habang ang Heat ay may 37-of-86 (43%) shooting lamang.
Napawi ng magandang shooting ng Spurs ang pagkamit ng koponan ng 18 turnovers na sindami sa nagawa nila sa Game Four kung saan nagwagi ang Heat, 109-93.
Kahapon, nagkamit ng 13 turnovers ang Heat kabilang ang apat ni
Dwyane Wade at tatlo ni LeBron James.
“They just absolutely outplayed us,” sabi ni Heat coach Erik Spoelstra.
“At times they were just picking one guy out at a time and going at us mano-a-mano. That’s got to change.”
Kapwa nagtapos na may 25 puntos sina Wade at James at nagdagdag naman ng 21 puntos si Ray Allen na tumira ng 4-of-4 mula sa three-point area. May 16 puntos din si Chris Bosh ngunit masama na ang nilaro ng iba pa nilang kakampi.
Tumira lamang ng 2-of-8 (25%) field goals si Mario Chalmers na may pitong puntos at nabokya sa scoring sina Mike Miller, Udonis Haslem at Norris Cole.
Walang duda na ang laro kahapon ay inangkin ni Ginobili. Natuwa ang mga Spurs fans nang makita nila ang mga dating galaw ng dating Sixth Man of the Year awardee.
“He’s obviously very popular. He’s been here a long time. He’s helped us have a lot of success over the years,” sabi ni coach Popovich.
Kailangang maipanalo ng Heat ang huling dalawang laro ng Finals para mapanatili sa Miami ang kampeonato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.