Laro sa Lunes
(Araneta Coliseum)
7:30 p.m. Philippines vs Chinese Taipei
SINIMULAN ng Pilipinas ng isang maigting na panalo ang kampanya nito para makapasok sa susunod na FIBA World Cup.
Kagabi ay binigo ng bisitang koponan ang Japan, 77-71, sa unang laro sa Group B ng FIBA World Cup 2019 Asian Qualifier sa Komazawa Olympic gym sa Tokyo.
Sinandigan ng Gilas Pilipinas sina Jason Castro na may 20 puntos at Andray Blatche na may 13 puntos, 12 rebounds at limang assists. Nag-ambag naman ng 12 puntos si Matthew Wright.
Sumingasing ang Japan sa pagsisimula ng ikatlong yugto sa paghulog ng 12-0 bomba upang burahin ang 37-28 abante ang Pilipinas sa pagtatapos ng unang hati at itala ang tatlong puntos na kalamangan sa 40-37.
Isang tres ni Wright ang nagtabla sa Pilipinas sa laro sa 40-all na nagpasimula rin sa 16-6 bomba ng mga Pinoy tungo sa 53-46 abante bago bumawi ng atake ang Japan na ibinagsak naman ang 6-0 atake upang muling itabla ang laro sa iskor na 53.
Gumanti pa ang Pilipinas ng 6-2 atake tampok ang tres ni Blatche sa pagtatapos ng ikatlong yugto upang kapitan ang 59-55 abante na sinandigan nito tungo sa ikaapat na yugto upang iuwi ang unang panalo.
Agad na inihulog ng Pilipinas ang 11-5 atake sa unang pitong minuto ng ikaapat na yugto para itala ang 70-60 abante bago nito tuluyang pinigilan ang mga banta ng host team na agawin ang panalo.
Nagawang lumapit ng Japan sa 66-70 matapos ibagsak ang 6-0 bomba at huling nagtangka sa
69-72 paghahabol bago binitbit ni Castro ang Pilipinas sa paghulog sa limang sunod na puntos sa natitirang 1:16 ng laro na tinulungan din ng matinding depensa at dalawang puntos ni Roger Pogoy para siguruhin ang panalo.
“I really apologized to the coach of Japan as we got confused in the format as to whether they will used quotient or what. Ishould have not call the time-out,” sabi ni Gilas coach Vincent “Chot’ Reyes.
Ang 16 koponan na naglaro sa FIBA Asia Cup 2017 ang sasabak sa FIBA Basketball World Cup 2019 Asian Qualifiers kung saan ang mangungunang pitong koponan ang uusad sa 2019 FIBA World Cup sa China para pag-agawan ang titulo at ang silya para sa 2020 Tokyo Olympics.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.