UPANG lumawak ang kaalaman kaugnay ng sakit na diabetes, isinasagawa tuwing Nobyembre 14 ang World Diabetes Day.
Kung duda ka na mayroong kang diabetes, pinakamabuti ang kumonsulta sa doktor para maipasuri ang sarili. Sakali naman na nag-negatibo ang resulta, huwag panghinayangan ang ginastos dahil mas mabuti na ito kaysa naman lumabas na ikaw ay diabetic na.
Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat mong malaman kaugnay ng diabetes.
— Ang diabetes ay isang sakit kung saan ang lapay (pancreas) ay hindi nakagagawa ng sapat na insulin na kailangan ng katawan o kaya ay labis ang insulin na nagagawa nito.
— Ang Type 1 diabetes ay ang kakulangan ng insulin na nagagawa ng katawan kaya kinakailangan na magturok ng insulin ng pasyente. Hindi maaaring magamot ang Type 1 diabetes.
— Ang mga sintomas ng Type 1 diabetes ay madalas na pag-ihe, pagkauhaw, madalas na pagkagutom, pagbaba ng timbang, panlalabo ng paningin at madalas pagod.
— Ang Type 2 diabetes ang kakulangan o kawalan ng kakayanan ng katawan na gamitin ang insulin na nililikha nito. Ang karamihan sa mga taong may diabetes sa mundo ay Type 2 at kalimitang dulot ng pagiging mataba at kawalan ng aktibidad ng katawan o ehersisyo.
— Magkapareho ng sintomas ang Type 1 at Type 2 bagaman ang Type 2 ay kadalasang tumatagal at hindi napapansin ng pasyente maliban na lamang kung malala na ang naging epekto nito sa kalusugan.
— Pwede pang maagapan ang Type 2 deiabtes sa pamamagitan ng pag-monitor sa blood sugar at paggamot sa komplikasyon nito.
— Ang simpleng blood sugar test ay makatutulong nang malaki upang mabilis na ma-diagnosed kung mayroong diabetes. Kung mas maaga itong malalaman ay mas maiiwasan ang mga komplikasyon nito.
— Mula 108 milyon noong 1980, ang bilang ng mga may diabetes sa mundo ay umakyat na sa 422 milyon noong 2014.
— Ang tyansa na magkaroon ng diabetes ang mga edad 18 taong gulang pataas ay umakyat sa 8.5 porsyento noong 2014 mula sa 4.7 porsyento noong 1980.
— Noon ang Type 2 diabetes ay nakikita lamang sa mga matatanda pero ngayon ay tumataas ang bilang nito sa mga bata.
— Ang diabetes ang pangunahing sanhi ng pagkabulag, sakit sa bato, atake sa puso, stroke at pagpaputol ng braso o binti.
— Noong 2015, 1.6 milyong katao ang namatay sanhi ng diabetes. Kung magpapatuloy ito, sa taong 2030 ang diabetes na ang ikapitong pangunahing sanhi ng pagkamatay ng tao sa mundo, ayon sa World Health Organization.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.