Angeline sobrang daldal, taklesa at ‘bully’
NAPAKANATURAL ng pag-arte ni Angeline Quinto sa FPJ’s Ang Probinsyano. Kasi naman hindi nalalayo sa kanya ang karakter na kanyang ginagampanan sa serye ni Coco Martin.
Hindi naman siya mandurukot sa tunay na buhay, ha, pero lumaki siya sa ganu’ng paligid kaya sabi nga niya, “Alam ko na ang mga galawan at tinginan ng mga taong ganu’n, kaya hindi ko na kailangang pag-aralan ang papel kong mandurukot.”
At higit sa lahat, super daldal, taklesa at bully si Angeline sa tunay na buhay kaya ‘yung papel niyang binu-bully niya si Cardo (Coco) dahil galit siya sa pagkakapatay nito sa kuya niya (ginampanan ni Eric Fructuoso) ay natural na natural din.
Dahil mga wanted nga sa batas sina Cardo at Romulo (Lito Lapid) ay magbibigay ng pabuyang P10 milyon ang gobyerno sa makapagtuturo kung saan nagtatago ang dalawa at nang mapanood ito ni Regine (Angeline) ay talagang namilog ang mga mata dahil malaking pera raw iyon.
Kinuntsaba pa ni Regine ang inang si Irma Adlawan na ituro na sina Cardo at Romulo kaya nagbabadyang masira ang lahat ng plano ng grupo ng mga rebelde na mahuli si Alakdan (Jhong Hilario) at alamin kung sinong mataas na opisyal ng gobyerno ang kakampi ng huli.
Matuloy kaya ang pagkakasuplong kina Cardo at Romulo? Abangan ang sagot sa pagpapatuloy ng FPJ’s Ang Probinsyano sa ABS-CBN.
Samantala, marami naman ang natuwa sa pagkakasali ng actor-singer na si Janno Gibbs sa Ang Probinsyano bilang kapatid ni Angeline.
Sa kanyang Instagram account, nag-post pa ng litrato si Janno kasama si Coco at iba pang members ng cast (Lito Lapid, Mark Lapid at Sancho Vito delas Alas).
Nilagyan niya ito ng caption na: “Penduko..Guererro..Panday Naki-Angkas lang po!” Ang tinutukoy ni Janno ay ang mga pinasikat nilang karakter sa pelikula – si Janno bilang si Pedro Penduko, Lito Lapid as Leon Guerrero at si Coco bilang bagong Panday.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.