Ginawang kasambahay ni tita pero di naman sinusuwelduhan
Ateng Beth, magandang araw po sa inyo.
Mahirap po ang kalagayan ko ngayon dahil namamasukan ako bilang katulong sa tiyahin ko dito sa Maynila.
Ang kaso di naman ako sinusuwelduhan gayong sinabi niya sa nanay ko na susuwelduhan niya ako ng P4,000 kada buwan nang kunin niya ako sa Leyte.
Nakakatatlong buwan na po ako sa kanila pero tanging P2,000 lang ang nabigay niya sa akin simula noon at siya namang pilit kong pinagkakasya para may magastos ako dito sa Maynila, gaya ng mga panlaba ng damit ko at mga personal na gamit at kasama na rin ang load para meron akong ugnayan sa pamilya ko sa Leyte. Umaasa po ang nanay ko at mga kapatid ko sa akin sa probinsiya. Anong gagawin ko?
Shella ng Mandaluyong City
Dear Shella ng Mandaluyong City na taga Leyte,
Wala namang pwedeng gawin ngayon kundi kausapin mo ang iyong tiya at sabihin mo ang iyong saloobin.
Itanong mo sa kanya kung kailan ka ba niya susuwelduhan dahil nag-aabang kamo ang iyong nanay at mga kapatid.
Teka, naitanong mo ba sa tiya mo na baka naman naipadala na niya kina mader ang suweldo mo. Tanungin mo rin at manghingi ng resibo at katibayan kapag ganun ang idinahilan ni tiya (alam mo naman may mga madudugas na amo!).
Itanong mo na rin kay mader kung meron bang ipinadala ang tita mo sa kanya. Baka naman may memorandum of understanding silang dalawa.
Walang masama sa pagtatanong. Nagiging masama lang ito kung ‘yung tatanungin ay may itinatago.
Maghanda ka na rin ng mga ebidensya, sakaling kailangan mong magpunta sa barangay o sa Department of Labor and Employment kung sakaling di maganda ang kauuwian ng usapan ninyo.
Pero sabi ko nga, mas mabuting kausapin mo muna ang tiya mo para magkaliwanagan kayo.
Kapag walang pag-asang magkabayaran the soonest, walk out ka na ‘teh. Pero ipaalam mo sa barangay at magpagawa ka ng kasulatan na babayaran ka kahit man lang bago magunaw ang mundo.
Ateng Beth
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.