Direk Cathy sa reklamo ni Danita: Normal lang ang pagsigaw ko sa taping!
NASULAT namin dito sa BANDERA kamakailan na nasigawan ni Direk Cathy Garcia-Molina si Danita Paner kaya umalis ang dalaga sa La Luna Sangre, hindi raw nito kayang makatrabaho ang direktor.
Ang sinabi mismo ni Danita, “Hindi ko po kasi napaghandaan ‘yung sigaw, so natakot ako, first time ko pong maka-experience ng ganu’n. Hindi po ako sanay. Hindi naman po ako minura, pero natakot po talaga ako as in nanginig ako.
“Gustung-gusto ko po ‘yung role ko na may trabaho ako, pero hindi po ako makapag-isip, hindi ako makapag-trabaho sa sobrang takot as in, nanginginig po talaga ako.”
Nitong Huwebes ay nakapalitan namin ng mensahe si direk Cathy at tinanong namin sa kanya ang tungkol sa kanila ni Danita. Mariin itong itinanggi ng box-office director.
“Hindi ko naman siya nasigawan, eh. ‘Yung ibang talent ang nasigawan at napagalitan ko. Baka akala niya (Danita) siya. Nagkausap naman na kami ng mommy (Daisy Romualdez) niya at nagkaintindihan na.
“Lagi naman akong sumisigaw sa set pag dinamdam niya, e, mahihirapan po talaga siya. Normal naman ‘yun, eh. Hinaplos ko pa nga ulo niya pagka-pack up at hinawakan ko kamay niya,” mensahe ni direk Cathy.
Sabi pa ng direktora, “‘Yung last sequence nga niya na hindi niya masabi-sabi ng tama ang lines niya hindi ko na siya napagalitan, eh. Sensitive lang siya masyado. Maaaring nasigawan ko siya, pero sigaw na normal lang ‘yun.
“Hindi naman siya nakatikim sa akin nang malala, siguro sa paningin niya nasigawan ko siya, pero sa akin, isa lang ‘yun sa mga normal na sigaw ko sa set. Sabi nga ng mommy niya, sensitive raw talaga.
“May continuity pa nga siya sa La Luna, tapos hindi na nagpakita. Sabi ko pa nga sa kanya, ‘o next day natin, ‘wag ka na kakabahan, ha?’ Umoo naman ‘yun pala hindi na magpapakita.”
At nu’ng umalis na si direk Cathy sa serye nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ay nanghinayang si Danita sa pag-alis niya dahil ang ganda nga raw ng role niya at maganda pa ang feedback ng La Luna Sangre.
Kaso hindi na makakabalik si Danita dahil pinatay na ang karakter niya, “Pinatay na kunwari sa dialogue na lang,” say sa amin ng direktor.
Anyway, abala ngayon si direk Cathy sa shooting ng pelikula nina Robin Padilla at Sharon Cuneta.
q q q
Matira ang matibay! ‘Yan ang aasahan ng mga manonood na patuloy na nakatutok sa FPJ’s Ang Probinsyano sa Primetime Bida ng ABS-CBN. Wala nang atrasan ang magaganap na labanan sa pagitan nina Cardo (Coco Martin) at Alakdan (Jhong Hilario).
Mas magiging maaksyon pa ang bawat gabi ngayong alam na ni Cardo na sangkot si Alakdan sa pagkamatay ng kanyang anak matapos siyang pagdalhin ng bomba nang hindi niya alam upang patayin ang isang senador, gaya ng kung paano namatay si Ricky Boy.
Kaya naman sa pagbabalik ni Cardo sa Mt. Karagao, agad niyang haharapin ang grupo ni Alakdan, dala-dala ang poot at galit sa karumaldumal na pagkamatay ng anak. Ngunit hindi rin magpapatalo si Alakdan kasama ang kanyang buong puwersa para mapatumba si Cardo.
Samantala, patuloy sa pamamayagpag ang FPJ’s Ang Probinsyano sa national TV ratings, ayon sa datos ng Kantar Media. Nito ngang Martes (Oct 24), nagkamit ang serye ng national TV rating na 41.2%.
Pinag-uusapan din ito sa social media sa pagiging trending topic ng palabas gabi-gabi at paglikom ng libo-libong tweets.
Huwag palampasin ang mga maaaksyong tagpo sa nangungunang serye sa bansa, FPJ’s Ang Probinsyano, gabi-gabi sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.