ANG mga patayan na nagaganap o yung tinatawag na extra-judicial killing (EJK) na hindi saklaw ng official police operations ay gawa ng mga tiwaling pulis na nagbabalatkayo na vigilantes.
Ang mga tiwaling pulis na ito ay sangkot sa illegal drug trafficking.
Isinasagawa nila ang pagsa-salvage gamit ang motorsiklo na ngayon ay tinatawag na riding in tandem.
Ang tricycle driver na pinatay sa Pasay City noong isang taon na naging makulay ay pinatay ng kapwa drug pusher o mga pulis na kanyang amo, ayon sa intelligence report.
Ang pagkakapatay sa naturang tricycle driver ay nailathala sa mga diyaryo a la Pieta, ang painting kung saan niyayakap ni Maria ang kanyang anak na si Jesus matapos itong ibaba sa krus.
Sa larawan, niyayakap ng kanyang asawa ang bangkay ng tricycle driver.
Tinawag ng intelligence report ang mga pumatay sa tricycle driver na “ninja cops.”
Ang mga ninja cops ay pulis na nagbebenta ng mga shabu na nahuhuli nila.
Isa sa dalawang dahilan kung bakit pinapatay ng ninja cop ang kanyang bataan: Hindi nang-intrega ng pinagkitaan sa droga o marami na itong alam kaya’t dapat ay patahimikin na.
Dead man tells no tale, ‘ika nga.
***
Dapat ay imbestigahan ng Supreme Court ang Manila RTC Judge na si Daniel Villanueva sa kanyang pagbigay ng piyansa sa dalawang pulis na pumatay kay Zenaida Luz, isang crime crusader sa Mindoro Oriental noong isang taon.
Ang dalawang pulis ay sina Senior Insp. Magdaleno Pimentel Jr. at Insp. Markson Almeranez.
Nahuli ang dalawang pulis ng kapwa nila pulis nang sila’y na-corner matapos silang nakipagpalitan ng putok sa kanilang mga kabaro.
Mahina raw ang ebidensiya laban kina Pimentel at Almeranez, ayon sa “magaling” na judge, kaya’t pinagpiyansa niya ang mga ito.
Ang dalawang pulis ay sinampahan ng kasong murder na karaniwan ay walang piyansa.
Pero paanong mahina ang ebidensiya sa kanila samantalang nahabol sila ng kanilang mga kabaro?
Corrupt o estupido itong si Judge Villanueva; either way, dapat siyang matanggal sa pagka-judge.
***
Pinuri nang maigi ni US Defense Secretary Jim Mattis ang Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos nitong mabawi ang Marawi City sa mga kamay ng terorista.
“It was a tough fight. The Philippine military has sent a necessary message to the terrorists,” sabi ni Mattis.
Dapat bang purihin ang AFP dahil tinalo nila ang mga terorista matapos ang maraming buwan na pagsalakay sa Marawi?
O dapat ba silang sisihin dahil di nila naamoy ang pagpasok ng mga armas at maraming armadong kalalakihan sa Marawi?
Kung naging maagap o alisto sila, dapat ay hindi nakapagtayo ng base ang mga terorista sa Marawi.
Ang hirap sa military, tutulog-tulog ang kanilang mga intelligence operatives.
Dapat ay proactive at hindi reactive ang militar sa pakikipaglaban sa mga enemies of the state.
Ang reactive ay pagkilos matapos magkaroon na ng problema. Ang proactive ay gumagawa ng paraan upang hindi na magkaproblema.
***
Natatandaan ko ang uncle ko na si retired Gen. Alex Aguirre, na naging chief ng Capital Region Command (Capcom) ng Philippine Constabulary noong dekada ’80.
Ang Capcom ay National Capital Region Police Office (NCRPO) na ngayon.
Isang araw, ipinulong ni General Aguirre ang kanyang mga police district commanders sa Metro Manila: Western, Northern, Southern at Eastern.
Sinabi ng mga commanders ng Western, Northern at Southern police districts na mataas ang porsiyento ng kanilang crime solution.
Ang commander lang ng Eastern ang umamin na mababa ang crime solution nila dahil walang masyadong krimen sa kanyang distrito.
Pinuri ni Aguirre ang Eastern Police District commander.
Sabi niya, kaya mababa ang crime solution dahil wala masyadong krimen sa kanyang lugar.
“In other words, your men prevented crimes before they happened,” ani Aguirre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.