‘Hindi po ako bakla, lalaking-lalaki po ako!’- Xander Ford
NOONG Huwebes ng gabi ay naging special guest namin ni Papa Ahwel Paz sa “Showbuzz” program namin sa DZMM si Xander Ford, the man of the hour.
No-holds-barred interview iyon – tell all kumbaga kaya welcome ang mga listeners and viewers ng DZMM Teleradyo na magpadala ng kanilang mga tanong para isa-isang sagutin ni Xander. We started our interview sa kung sino ba talaga si Xander Ford at paano siya pumasok sa industriyang ito.
“Dati akong si Marlou Arizala, tubong Cavite. Ako ang panganay sa tatlong magkakapatid. Ang daddy ko tricycle driver while my mom sells sa carinderia. Talagang mahirap lang kami, sobrang hirap. Sa squatter talaga kami nakatira. Siyempre, nangarap din akong guminhawa ang buhay one day para makatulong sa family ko. Doon nagsimula ang lahat nu’ng si Marlou pa ako.
“Nag-trending ako sa social media noon pero puro bash lang ang natanggap ko. Marami rin akong naging friends na eventually ay tinawagan ko, baka puwedeng mabago ang buhay ko. Doon ko naisip na magpagawa ng mukha. May sponsor kasi akong willing na tulungan ako – 5 hours lang tumakbo ang operasyon sa akin ng Icon Clinic.
“Nagpagawa ako ng ilong, ng chin. Nagpalagay ako ng jawline at iba pa. Pero hindi naman total surgery. May mga inayos lang. Hanggang sa eto na iyon, pinag-usapan. Nu’ng una kong nakita ang sarili ko sa salamin, natuwa ako kasi napakalaki ng nabago. Nawala ang mukha ni Marlou na puro bash lang ang natanggap. Nitong nagpalit na ako ng pangalan, Xander Ford na, marami rin ang namba-bash sa akin pero meron ding nagtatanggol.
“Kasi nga, left and right ang naglabasang isyu sa akin. Lalo na doon sa video about Kathryn Bernardo, di pa ako Xander Ford noon, si Marlou pa iyon. Tsaka, wala naman talagang intensiyong siraan talaga si Kathryn – katuwaan lang ng mga barkada. Di naman namin alam na makikilala ako at gagamitin pala iyon para magalit sa akin si Kathryn. Nahihiya nga ako sa kanila eh – kaya humihingi ako ng tawad kung nasaktan ko man sila.
“Pero honest, wala talaga kaming intensiyong siraan si Kath. Nakatuwaan lang namin. Mali pa rin kung sa mali pero kung di ako nakilala, sa palagay niyo ba ay mapapakinabangan yung biruang iyon sa social media? Wala iyon. Mabait na ako ngayon. Nag-a-adjust pa nga lang ako sa showbiz ngayon dahil bago pa lang ako. One day ay malalagpasan ko rin ang lahat ng pagsubok na ito,” ang mahabang panimula ni Xander na in fairness ay naramdaman namin ang sincerity.
He’s just 19 years old now pero pang-kuwarenta anyos na ang mga problema at dagok na dumating at dumarating pa sa buhay niya.
“Minsan ay naiisip ko nang magpakamatay – totoo iyon. Kasi nga, parang wala na akong silbi sa mundo. Ginagawa ko lang namang tama ang mga maling napagdaanan ko pero parang walang saysay ang lahat.
Kaya hayon, dinala ako ng managers ko (David and Vince) sa isang psychiatrist para manghingi ng advice. Maayos naman.
“Tsaka palagi akong nagdarasal na sana ay maunawaan din ako ng mga tao pagdating ng panahon. Wala po akong hangarin kundi ang maiahon ang pamilya ko sa kahirapan. Pag siguro nabilhan ko na ng bahay at sasakyan ang parents ko, pinakamasaya na akong tao sa mundo. Kaya nag-iipon po ako ngayon sa mga shows ko. Kailangan ko ng suporta ninyong lahat. Mabait po ako,” pakiusap ni Xander.
May nakalusot na tanong sa cellphone namin, “Bakit palagi siyang naka-blue contacts. Is he gay?” tanong ng isang kaibigan namin.
“No po. I’m not gay. Lalaki po ako,” ani Xander na nakangiti.
“Kung gay siya, sana ang contacts niya hindi blue, sana pink,” biro ni Papa Ahwel.
“O, di kaya violet, di ba? Ha! Ha! Ha! Ganito kasi iyon, nakilala na kasi ako na palaging naka-contacts. Wala naman pong grado ang mata ko. Nakasanayan ko na lang ngayon after ng operasyon ko para maiba naman ang look ko. Nakakatuwa nga dahil meron nang pumasok na endorsement sa akin, contact lense. Mag-iiba-iba na ang kulay ng mata ko. Hindi na siya parating blue – mayroon nang brown, green and malay mo, pink. Ha! Ha! Ha!” biro ni Xander.
He’s such a playful boy na talagang ngayon lang nakakatikim ng konting kariwasaan sa buhay. Nu’ng una ay di ko siya feel pero ngayong nakausap na namin siya nang masinsinan, in fairness ulit, mabait naman pala. May pagka-tactless lang siguro noon pero ngayon ay medyo nag-iingat na siya.
“Kasi nga, palagi na lang nilang hinahanapan ng mali ang pinaggagawa ko. Pupunta lang ako ng CR may sasabihin na. Pag ginagalaw ko ang butas ng ilong ko sasabihin nila nangungulangot ako in public. Di kasi nila siguro alam na may tahi pa ang ilong ko at para malinis ito ay di kaya ng daliri, kailangan ng cotton buds. Makati na ewan. Pahilom na naman siya kaya konting tiyaga na lang ako.
“Ang gusto ko lang ngayon ay ang magkaroon ng maraming work para makaipon ako for my family. Para magkaroon naman ako ng silbe sa mundong ito,” pagwawakas ni Xander habang nagpa-plug ng kanyang mga upcoming shows.
Masayang kausap si Xander Ford. Mabait na bata pala sa personal though he has to learn the right ropes to success. Mag-ingat kasi sa mga sinasabi. Huwag padalos-dalos para di ma-misinterpret, right? Right!
q q q
Sayang at di ako nakapanood ng “Solo Para Adultos”, isang sex comedy play na ginanap last Friday sa Music Museum. Di kasi ako puwedeng um-absent sa radio show namin ni Papa Ahwel. Nakibalita na lang kami lalo na sa Facebook dahil grabe raw ang pila earlier pa lang nung gabi.
Na-miss ko tuloy ang acting ng mga anak-anakan nating sina Andres Vasquez, John Raspaldo, Vivo Ouano, Genesis Gallos at Ezekiel Hontiveros who played a macho dancer sa said play. For sure riot iyon kasi nga napanood ko na sa FB ang monologue ni April “Congrats” Gustilo and seemed like it’s very vulgar yet funny.
I can now imagine kung gaano kasaya ang kinalabasan ng show dahil sari-saring character na panay sexy ang kanilang ginampanan. Hay buhay, hayaan mo, sa susunod na run nito ay di ko na palalagpasin. I enjoy these types of shows – yung unconventional kumbaga. Anyway, congrats sa producer nitong si Jojo Barron at Direk Bong Ramos. Mwah!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.