‘Failon Ngayon’ pinaligaya ang mga lola sa GRACES
NAKADAMA ng pagmamahal at kalinga ng kapamilya ang mga lola sa Golden Reception and Action Center for the Elderly and other Special Cases o GRACES, matapos ipaayos at punuin ng bagong kagamitan ng Failon Ngayon ang kanilang tinitirhan bilang bahagi pa rin ng ikawalong anibersaryo ng programa sa ABS-CBN.
Noong Sabado, napanood kung paano ginawang tunay na tahanan ng Failon Ngayon at ng mga kasama nitong organisyasyon ang Tamundong Ward sa GRACES. na labis na nagpasaya sa mga matatandang naninirahan doon at nangungulila sa pamilya.
Sabi ng isang lola na si Carol Hullar, “Masaya dahil malinis at may mahihigaan na kami.” Dagdag pa ng isang lola, “Ngayon, umulan man o bumagyo. Hindi na ako mababasa sa higaan ko.”
Unang binisita ng Failon Ngayon noong Mayo ang pasilidad, na siyang kumukupkop sa mga matatandang palaboy-laboy na lang sa kalye o inabandona ng kanilang mga kamag-anak. Doon nakita ang kanilang kalagayan kaya naman agad nakipagunayan ang programa sa pangunguna ng anchor na si Ted Failon sa DSWD.
Dito na nga bumuhos ang kooperasyon mula sa iba’t ibang grupo na nag-resulta sa pagpapaayos ng Tamundong Ward na mas komportableng tirhan para sa matatanda ngayon. Mayroon ding nagbigay ng mga kama, modernong wheelchair, at malalambot na unan at kumot. Para naman maaliw ang mga lola, nag-iwan din sila ng flat screen na TV na may ABS-CBN TVPlus. Tumulong din ang ilang estudyante upang pinturahan ng makulay ang lugar.
Ani Ted, “Lahat po ng nandito ngayon ay nais na humaba ang buhay. And I’m sure with this facilty, matutulungan po natin sila na humaba ang kanilang buhay. Thank you sa ating mga inspirasyon ngayon dito.”
Nagpasalamat din ang DSWD sa proyektong pinangunahan ng Failon Ngayon kaakibat ang DN Steel Group of Companies, Gloria Dy Sun Corp., Yakult Philippines, Rotary Club North Bay East, United Architects of the Philippines-National, Bayanihan Arkitektura at Davies Paints.
“Kami po ay natutuwa dahil nakakapagbigay tayo ng ganito. Maganda ang pagkaka-design. Maganda ang airflow. Maaliwalas ang looban. Kumbaga lahat ng mga pangangailangan ng mga naninirahan sa ating proyektong ito ay naroroon na,” ani Emmanuel Leyco, undersecretary ng DSWD.
Samantala, naglunsad din ng microsite ang Failon Ngayon bilang bahagi pa rin ng selebrasyon nito ng ikawalong anibersaryo. Matatagpuan sa news.abs-cbn.com/failonngayon ang mga bidyo at artikulo kaugnay ng mga tinalakay na isyu sa programa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.