Ateneo Blue Eagles nauwi ang ika-6 diretsong panalo
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UP vs FEU
4 p.m. Adamson vs UE
Team Standings: Ateneo (6-0); La Salle (4-1); UP (3-1); FEU (3-2); Adamson (2-2); NU (2-4); UE (0-4); UST (0-6)
PINALAWIG ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang kanilang winning streak sa anim na panalo matapos nitong tambakan ang National University Bulldogs, 96-83, sa kanilang UAAP Season 80 men’s basketball game Sabado sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Maliban sa pag-iskor ng season-high na puntos sa kanilang panalo, napanatili rin ng Blue Eagles ang kapit sa top spot sa team standings sa malinis nitong 6-0 record habang nalaglag naman ang Bulldogs sa 2-4 kartada matapos makatikim ng ikatlong sunod na pagkatalo.
Naghabol ang NU sa 85-73 sa huling yugto nang magawang makaratsada ng Bulldogs sa paghulog ng limang sunod na puntos para tapyasin ang bentahe ng Ateneo sa pitong puntos, 85-78, mula sa dunk ni Issa Gaye may 2:46 ang nalalabi sa laro.
Agad naman sinagot ito ni Thirdy Ravena na naghulog triple na nagpaangat sa kalamangan ng Ateneo sa 88-78 may 2:20 ang nalalabi sa laban. Tuluyan namang hinatid ni Chibueze Ikeh sa panalo ang Ateneo matapos ang kanyang layup na nagbigay sa Blue Eagles ng 94-80 kalamangan may 50 segundo pa sa laro.
Nagtala si Ikeh ng 18 puntos at 11 rebounds para pamunuan ang Ateneo.
Samantala, hindi hinayaan ng De La Salle University Green Archers na maulit ang nalasap nitong kabiguan matapos dominahin ang University of Santo Tomas Tigers, 115-86, sa unang laro.
Hindi man lamang pinatikim ng nagtatanggol na kampeong Green Archers ng kalamangan ang Tigers sa pagtala nito ng 30-21 abante sa unang yugto at pinalobo pa nito lalo sa 60-42 sa pagtatapos ng unang hati tungo na sa ikaapat nitong panalo sa loob ng limang laro.
Pinamunuan ni Ben Mbala ang Green Archers sa itinala nito na 29 puntos habang nag-ambag naman sina Andrei Caracut ng 14 puntos at Arjay Santillan na may 13 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.