HINDI maikakaila na hindi malilimutang taon ang 2019 para kay Cherry ‘Sisi’ Rondina.
Kaya hindi rin katakataka na kilalanin si Rondina bilang Ms. Volleyball ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa gaganaping SMC-Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa Marso 6 dahil na rin sa ipinakitang paglalaro ng dating University of Santo Tomas star sa taong 2019.
Pinangunahan ni Rondina ang Tigresses sa UAAP Season 81 women’s volleyball kung saan ang UST ay nagtapos sa likod ng nagkampeong Ateneo Lady Eagles. Ang 23-anyos na Cebuana ang tinanghal din na season MVP sa women’s volleyball pati na sa beach volleyball kung saan pinamunuan niya ang Tigresses sa pagkuha ng korona katuwang si Babylove Barbon.
Nakatulong din si Rondina sa kampanya ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games beach volleyball kung saan nasungkit nila ang bronze medal, na naging kauna-unahang podium finish ng bansa sa nasabing event magmula noong 2005. Bago ito, nakatuwang din niya si Bernadeth Pons para ihatid ang Pilipinas sa quarterfinals ng FIVB Beach Volley World Tour-1 tournament sa Boracay.
Maliban kay Rondina kinilala rin bilang PSA Miss Volleyball awardee sina Alyssa Valdez, Mika Reyes at Dawn Macandili.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.