Aiko: Dapat lang nating tawaging bayani ang mga guro!
KAHIT abala sa taping ng teleseryeng Wildflower si Aiko Melendez ay nakakagawa pa rin siya ng pelikula tulad ng “New Generation Heroes” na mapapanood na sa SM cinemas nationwide simula sa Okt. 4.
Kaya tinawag na “New Generation Heroes” ay dahil kuwento ito ng apat na klase ng guro na may kanya-kanyang adhikain sa buhay.
Kuwento ni Aiko, “I’m really blessed to be part of this movie because this is also my way of giving tribute to our teachers. We all know the importance of our teachers because they serve as second parents to our children when they are in school, di ba?
“Kaya naman we’re excited na ipalalabas na po yung isa sa mga proyekto kong ginawa para sa mga guro, para sa magigiting nating mga guro,” kuwento ni Aiko.
Gagampanan ni Aiko sa “New Generation Heroes” ang role ng isang English teacher sa Korea na mas piniling sa ibang bansa magturo para sustentuhan ang pamilya.
Kasama rin sa pelikula si Jao Mapa, gaganap siya bilang may-ari ng isang junkshop na hindi nakatapos ng pag-aaral pero dahil sa kagustuhang matuto ay nangungulekta siya ng mga lumang libro na bigay ng retiradong maestra na gagampanan naman ni Ms. Anita Linda.
Lahat ng nalalaman ni Jao ay itinuturo naman niya sa mga batang hindi makapag-aral dahil walang pera.
“It was based on the story of Efren Penaflorida, the pushcart educator na nanalo sa CNN nu’ng 2009. Ganu’n ang ginagawa ko sa movie, nagtuturo. Puwede ka namang maging teacher o makapagturo maski hindi nakatapos sa pag-aaral,” say ng aktor.
Ang isa sa bida ng pelikula na isa rin sa mga producer na si Joyce Penas ay gaganap naman bilang raketerang guro na lahat na lang ng pagkakakitaan ay pinapasok para makapag-ipon na inilalaan niya sa pagpapagamot sa kanyang anak na may cerebral palsy.
Ayon sa direktor ng “New Generation Heroes” na si Anthony Hernandez, advocacy movie ito ng Golden Tiger Films kaya maipapalabas din ito sa mga eskuwelahan nationwide pagkatapos nitong maipalabas sa SM cinemas.
“Masarap sa pakiramdam po ang makagawa ng isang pelikula na magbibigay-aral or magbubukas sa kaisipan ng mga manonood.
“Kaya ang New Generation Heroes ay alay namin po sa lahat mamamayang Filipino dahil lahat po tayo ay dumaan sa ating mga guro. Sana mapanood po nila dahil dito makikita nila ang kahalagahan ng edukasyon at ng mga guro sa buhay ng bawat isa sa atin,” say ng direktor.
Dagdag-kuwento naman ni Aiko ay realidad ang mapapanood ng mga tao sa kanilang pelikula dahil, “Very timely because of the drug issue that we’re going to tackle in this movie. Merong mga tokhang.”
Nabanggit ng aktres na biktima ng tokhang ang anak niya sa kuwento kaya napilitan siyang bumalik ng Pilipinas para maagapan ang pagkaadik nito.
Bukod kina Aiko, Joyce, Jao at Ms. Anita, kasama rin sa pelikula sina Dexter Doria, Debraliz Valazote, Alvin Nakkasi, Aleera Montalla, Rob Sy at JM del Rosario.
Kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day ang showing ng pelikula sa Okt. 4 na magkakaroon ng premiere night sa Sept. 29 sa SM Megamall cinema 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.