Guy & Pip, Vi & Bot at iba pang di- malilimutang Pinoy love teams | Bandera

Guy & Pip, Vi & Bot at iba pang di- malilimutang Pinoy love teams

Ervin Santiago - September 11, 2017 - 10:43 PM

1930s pa lang ay uso na ang fandom. Ibig sabihin, bago pa mauso ang KathNiel, JaDine, AlDub, LizQuen, MayWard at KissMarc at McLisse ay meron nang iniidolong loveteam ang mga Pinoy.

Naranasan mo bang makipagsiksikan sa mga sinehan para mauna sa pagbili ng ticket sa takilyera at makiiyak o makitawa sa kanilang mga pelikula? Nakipag-away o nakipatalakan ka ba sa mga kalabang loveteam ng paborito mong tambalan? O, ikaw ba ang klase ng fan na talagang nakasunod kay idol kahit saan siya rumampa? Nagawa na iyan ng mga lolo at lola (o nanay at tatay) natin!

Narito ang ilan sa mga tambalang nagmarka sa mga manonood at lumikha ng ingay sa local showbiz – mula noon hanggang ngayon.

ROGELIO DELA ROSA AT CARMEN ROSALES

Tinawag na “most bankable loveteam” sa Sampaguita Pictures noong dekada 40, ang unang pelikulang pinagsamahan nina Rogelio at Carmen ay “Takipsilim”.

Carmen became the highest paid actress of the 1940s and 1950s. Para sa kanyang mga fans, ang pinaka-unforgettable role na ginampanan niya ay ang pagiging martir na kasintahan ni Rogelio sa pelikulang “Maalaala Mo Kaya” (1954).

Bukod sa pa-giging matinee idol, naging senator at diplomat din si Rogelio. Ang iba pa nilang pelikula ay ang “Panambitan”, “Pagsuyo”, “Jazmin”, “Ang Tangi Kong Pag-ibig” at Iyong-iyo”.

NIDA BLANCA AT NESTOR DE VILLA

Lumikha ng ingay ang Nida-Nestor tandem noong 1950 hanggang 1960. Bukod sa galing sa drama at pagpapatawa, naging bentahe rin nila ang talento sa pagsasayaw at pagkanta.

Ang LVN Pictures naman ang nasa likod ng sunud-sunod nilang pelikula noon. Nagsimula ang kanilang loveteam sa pelikulang “Amor-mio” noong 1952. Ibinandera naman nila ang kanilang galing sa pagsasayaw sa “Squatters” (1953). Kabilang sa mga nagawa nilang romcom movies ay ang “Waray-Waray” (1954), “Kalyehera” (1957) at “Talusaling” (1958).

GLORIA ROMERO AT LUIS GONZALES

Sumikat din ang tambalan nina Gloria at Luis sa bakuran ng Sampaguita Pictures. Sila ang itinuring na mahigpit na kalaban ng Nida Blanca-Nestor de Villa loveteam. They also did several comedy and drama films together like “Despatsadora” (1955), “Hootsy kootsy” (1955), “Pagdating Ng Takipslim” (1956), “Vacacionista” (1956), “Colegiala” (1957), “Ikaw Ang Aking Buhay” (1959), “Pitong Pagsisisi” (1959) at marami pang iba.

Dahil sa tinamong kasikatan, itinanghal bilang Queen of Philippine Movies si Gloria. Nakagawa siya ng 30 pelikula kasama si Luis.

SUSAN ROCES AT EDDIE GUTIERREZ

Dekada 60 nang ipakilala ang isa pang pambatong loveteam ng Sampaguita Pictures – si Eddie Gutierrez at ang isa pang Queen of Philippine Movies na si Susan Roces. Ang matindi nilang chemistry on screen ang naging dahilan kung bakit sila minahal ng mga Pinoy. Sing and dance din ang naging pambenta ng kanilang mga pelikula.

Dumating ang panahon na kinailangan nang buwagin ang kanilang loveteam para itambal sa iba, ngunit sa kabila nito, nanatili pa rin silang malapit na magkaibigan. Nakatatak na rin sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino ang kanilang tambalan.

AMALIA FUENTES AT ROMEO VASQUEZ

From reel to real. Isa ang loveteam nina Romeo at Amalia sa mga celebrity tandem na nauwi sa totohanan. Naging mag-asawa matapos gumawa ng ilang pelikula at biniyayaan ng isang anak (Liezl Sumilang Martinez).

Dahil sa kanyang kasikatan, binansagan si Amalia bilang Elizabeth Taylor ng Pilipinas habang si Romeo naman ay nagbida sa mga action movies. Ilan sa mga tumatak na pelikula nina Amalia at Romeo together ay ang “Pretty Boy”, “Bobby”, “Bilanggong Birhen” at “Puwede Ako, Puwede Ka Pa Ba?”

NORA AUNOR AT TIRSO CRUZ III

Sino nga ba ang hindi nakakakilala kina Guy & Pip? Tinaguriang most popular loveteam of all time sa Philippine showbusiness noong kasagsagan ng kanilang kasikatan, binulabog nina Nora at Tirso ang mundo ng local showbiz noong dekada 60 hanggang dekada 80.

Sunud-sunod ang ginawa nilang pelikula, TV show at radio program. Lahat ng ni-record nilang kanta ay naging instant hit. Mas naging mainit pa ang pagtanggap sa kanila ng mga fans nang aminin nila ang kanilang relasyon.

Itinuring ding phenomenal loveteam ng kanilang henerasyon, nagsimula silang magtambal sa box-office hit The Musical Teenage Idol noong 1969. At ito pa, kahit ang makasaysayang si Maria Leonora Theresa, ang manyikang iniregalo ni Pip kay Ate Guy, ay kasabay din nilang sumikat.

VILMA SANTOS AT EDGAR MORTIZ

Tulad ng Guy & Pip, biglang sikat din ang tambalang Vi & Bot noong 1970s sa pamamagitan ng pelikulang “Young Love.” Paramihan din ng fans ang naging laban ng loveteam nina Vilma at Edgar kaya halos lahat ng ginawa nilang mga pelikula ay tagumpay sa takilya.

Ilan pa sa mga box-office hits nila ay ang “The Young Idols,” “Sweethearts,” “Sixtmarpopeen,” at “My Pledge of Love.”

SHARON CUNETA AT GABBY CONCEPCION

Tagged as the ‘80s movie power couple, nauwi rin sa kasalan ang kanilang tambalan noong 1984. Naging anak nila si KC Concepcion ngunit naghiwalay din matapos ang ilang taon.
Hinding-hindi na malilimutan ng mga Gab-Sha loyal supporters ang kanilang blockbuster and classic movies na “Dear Heart” at “PS I Love You.”

MARICEL SORIANO AT WILLIAM MARTINEZ

Nakilala bilang sina Taray at Kulit, nagsimula sa drama ang loveteam nina Maricel at William nang makasama sila sa pelikulang “Oh My Mama” noong 1981. Ngunit mas nag-hit ang makulit nilang tambalan sa mga comedy films na kanilang pinagbidahan.

And because of their tandem’s success, they were eventually dubbed as Regal Films’ most popular loveteam.

DAWN ZULUETA AT RICHARD GOMEZ

Binansagang Eternal Loveteam ang naging magkarlasyon din sa tunay na buhay na sina Goma at Dawn.

Maraming pinaiyak at pinakilig ang classic movie nilang “Hihintayin Kita Sa Langit.” Mas dumami pa ang kanilang tagahanga when they became a real-life couple, at bumida pa sa ilan pang blockbuster movies.

CLAUDINE BARRETTO AT RICO YAN

Na-inspire at na-in love ang buong bayan sa tambalang Claudine at Rico nmoong dekada 90. Bumida ang dalawa sa ilang teleserye ng ABS-CBN at anim na pelikula under Star Cinema.

Una silang nagkasama sa 1996 film na “Radio Romance” at matapos ang ilang taon at ilang pinagsamahang proyekto, sinagot ni Claudine si Rico. Nag-celebrate sila ng kanilang fourth anniversary noong March 4, 2002, ilang linggo lang bago pumanaw si Rico dahil sa sakit na acute hemorrhagic pancreatitis.

JOLINA MAGDANGAL AT MARVIN AGUSTIN

Taong 1996 nang umingay ang loveteam nina Jolens at Marvin nang sila’y i-launch sa teen-oriented show na “Gimik.” Isa ang kanilang tambalan (MarJo) sa pinakasikat noong dekada 90 at tinawag pang “most admired, most followed and most loved team ups of their generation”.

Una silang nagtambal sa big screen noong 1997 sa pelikulang “FLAMES: The Movie” na sinundan ng “Kung Ayaw Mo Huwag Mo” noong 1998 kung saan nakasama nila sina William Martinez at Maricel Soriano. Napatunayan ang box-office appeal ng MarJo sa 1998 multi-million box-office hit na “Labs Kita…Okey Ka Lang?”

JUDY ANN SANTOS AT WOWIE DE GUZMAN

Bago pa sumikat ang tambalan nina Juday at Piolo Pascual, una munang minahal ng masa ang loveteam nina Judy Ann at Wowie de Guzman noong 1990s.

Member pa noon si Wowie ng all-male dance group na Universal Motion Dancers nang itambal siya kay Juday sa classic teleserye na “Mara Clara” noong 1993. Naging super close ang dalawa dahil tumagal nang apat na taon ang nasabing serye. Following the success of “Mara Clara”, nabigyan din sina Juday at Wowie ng chance para magbida sa pelikula.

KRISTINE HERMOSA AT JERICHO ROSALES

Kung loyal fans kayo nina Tintin at Echo, siguradong kilala n’yo pa rin hanggang ngayon sina Angelo Buenavista at Yna Macaspac, ang mga karakter na ginampanan nila sa classic teleserye na “Pangako Sa ‘Yo” noong 2000.

Dahil sa napakainit na pagtanggap ng manonood sa nasabing programa tumagal ito nang dalawang taon sa ere. Kristine and Jericho also became real-life couple ngunit naghiwalay din makalipas ang ilang taong relasyon.

BEA ALONZO AT JOHN LLOYD CRUZ

Mahigit 10 taon na ang nakalilipas mula nang unang magtambal sina Lloydie at Bea sa Kapamilya seryeng “Kay Tagal Kitang Hinintay.” Alam n’yo ba na anim na soap opera at pitong pelikula na ang nagawa nila?

Ang Star Cinema movie na “The Mistress” ang nagsilbing 10th year anniversary nila as onscreen partners. Ngunit para sa kanilang mga tagasuporta, ang “One More Chance” pa rin ang itinuturing nilang most favorite JLC-Bea movie of all time.

KIM CHIU AT GERALD ANDERSON

Kontrobersyal at maintriga ang tambalang Kimerald. Ngunit sa kabila ng mga challenges na hinarap nila sa mundo ng showbiz, nananatili pa rin ang magic nila bilang magka-loveteam.

Nagsimula sa Pinoy Big Brother, naging magkarelasyon din sa tunay na buhay sina Gerald at Kim ngunit naghiwalay din noong 2010. Nakagawa sila ng mga hit teleserye sa ABS-CBN at bumida rin sa mga pelikula ng Star Cinema. Matapos ang ilang taong pamamahinga ng Kimerald, muli silang binigyan ng reunion project ng Dreamscape Entertainment, ang umeere ngayong Ikaw Lang Ang Iibigin na humahataw ngayon sa ratings game.

ANGEL LOCSIN AT RICHARD GUTIERREZ

Kambal ang unang role na ginampanan nina Angel at Richard sa GMA youth-oriented program na Click. Nang makitaan ng kakaibang chemistry ng mga bossing ng Siyete, agad silang binigyan ng sariling teleserye – ang fantasy series na Mu-
lawin.

Kahit na nga alam ng publiko na boyfriend noon ni Angel ang yumaong aktor na si Miko Sotto (na sinundan ni Oyo Sotto) at girlfriend naman ni Richard si Georgina Wilson, sinuportahan pa rin ng mga Pinoy viewers ang kanilang loveteam.

MARIAN RIVERA AT DINGDONG DANTES

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Dubbed as the The Kapuso Primetime King And Queen, DongYan is considered as one of the most celebrated celebrity couples in the country.

Naging Royal Couple ng GMA sina Marian at Dingdong dahil sa success ng kanilang teleserye na Marimar noong 2007. Matapos gumawa ng ilang teleserye at pelikula, nagkainlaban ang dalawa hanggang sa mauwi na nga sa kasalan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending