ALAMIN: Ano ang nangyayari kapag namatay ang Santo Papa?
Dahil sa pagpanaw ni Pope Francis, muling isasagawa ng Simbahang Katolika ang mga sinaunang ritwal na tutukoy o pipili sa isang bagong Santo Papa.
Curious ba kayong malaman kung ano ang mga kaganapan sa loob ng Vatican?
Narito ang isinasagawang proseso na nakita namin sa espesyal na ulat ng INQUIRER:
Sede Vacante
Mag-uumpisa ito sa tinatawag na “Sede Vacante” o “Vacant See,” isang panahong walang Santo Papa, kung saan isang senior na kardinal ang hahawak ng mga araw-araw na gawain ng Simbahan.
Sa kasalukuyan, ang “camerlengo” o tagapamahala ay si Irish-American Cardinal Kevin Farrell, na itinalaga ni Pope Francis noong February 2019.
Baka Bet Mo: ALAMIN: Sino ang posibleng maging bagong Santo Papa?
Siya lamang ang matitirang mataas na opisyal ng Simbahan –lahat ng iba pang opisyal ay kailangang magbitiw sa tungkulin matapos ang kamatayan ng Santo Papa.
Tradisyonal na bahagi ng tungkulin ng isang camerlengo ay tiyakin na sumakabilang-buhay na ang Santo Papa sa pamamagitan ng pagtapik nang tatlong beses sa noo ng yumaong Papa gamit ang espesyal na pilak na martilyo habang tinatawag ang kanyang tunay na pangalan.
Ang camerlengo rin ang nangangasiwa sa pagsira ng “Fisherman’s Ring,” ang gintong singsing na nililikha para sa bawat bagong Santo Papa.
Dati itong ginagamit bilang pantatak sa mga opisyal na dokumento.
Ang pagsira nito ay sumisimbolo sa pagtatapos ng isang pamumuno.
Paglilibing
Magsasagawa ng serye ng pagpupulong ang mga kardinal mula sa iba’t ibang panig ng mundo na tinatawag na “general congregations.”
Sa mga pulong na ito, magtatakda sila ng petsa ng libing na dapat gawin sa pagitan ng ika-apat at ika-anim na araw mula sa araw ng pagkamatay, pati na rin ang pag-oorganisa ng “novemdiales” o siyam na araw ng pagluluksa.
Ang mga naunang Santo Papa ay inilibing sa St. Peter’s Basilica sa Vatican, pero ang hiniling ni Pope Francis ay mailibing siya sa Basilica ng Santa Maria Maggiore sa Roma.
Taliwas rin sa nakagawian pagdating sa kabaong, ang mga labi ni Pope Francis ay ilalagay sa isang simpleng kabaong na yari lamang sa kahoy at zinc.
Ang tradisyon kasi ay gawa sa cypress, lead at elm.
Ayon sa isang opisyal ng Vatican, ang pananaw rito ni Pope Francis ay sumisimbolo ito sa pagiging pastol at disipulo ni Kristo, hindi isang makapangyarihang tao sa mundo.
Ihahayag din na bubuksan na lamang ang kabaong ni Pope Francis upang makita ng publiko habang nakalamay sa St Peter’s Basilica, na hindi tulad ng nakasanayan ay naka-display ang mga labi sa isang mataas na plataporma at puno ng mga unan.
Conclave
Isa rin sa layunin ng mga general congregations ay ang pag-uusap sa mga posibleng pumalit sa yumaong Santo Papa, na tinatawag na “papabili.”
Itatakda rin nila ang petsa ng conclave na dapat magsimula sa hindi bababa sa 15 days at hindi lalampas ng 20 days matapos ang pagkamatay ng Santo Papa.
Sa ilalim ng sistemang nagsimula pa noong 13th century, ang mga kardinal na wala pang 80 taong gulang ay magtitipon sa isang private voting upang pumili ng susunod na Papa mula sa kanilang hanay.
Sa kasalukuyan, mayroong 135 cardinal electors –108 sa kanila ay itinalaga ni Pope Francis.
Sa bilang na ito, 53 ay mula sa Europe, 20 mula sa North America, 18 mula sa Africa, 23 mula sa Asya, 4 mula sa Oceania, at 17 mula sa South America.
Ang salitang “conclave” ay nangangahulugang “with a key,” na ang ibig sabihin ay kailangang manatili ng mga cardinal hanggang sa makapili ng bagong Santo Papa.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbubunyag ng kahit anong impormasyon mula sa conclave at ang paglabag dito ay may kaparusang excommunication.
Dalawang balota ang isinasagawa tuwing umaga at dalawang balota rin sa hapon.
Kailangang makakuha ng two-thirds na boto ang isang kandidato upang maihalal.
Sa pagtatapos ng bawat sesyon, sinusunog ang mga balota at umaakyat ang usok mula sa tsimenea ng kapilya.
Itim ang usok kung bigo ang pagboto, puti naman kung matagumpay.
Kapag puti na ang usok, tutunog na rin ang mga kampana ng St. Peter’s.
Habemus Papam!
Kapag may nahalal na, dadalhin ang bagong Santo Papa sa maliit na silid sa Sistine Chapel na tinatawag na “sala delle lacrime” o “Room of Tears,” kung saan maaari niyang pag-isipan ang kanyang bagong tungkulin.
Tatanungin siya ng Dean ng College of Cardinals, kasalukuyang si Cardinal Giovanni Battista Re, kung tinatanggap niya ang pagkakahalal at kung anong pangalan ang nais niyang gamitin bilang Papa.
Kapag pumayag, siya ay agad na magiging Obispo ng Roma at opisyal na Santo Papa.
Isusuot sa kanya ang kasuotan ng Papa, at isa-isang magbibigay galang sa kanya ang mga kardinal.
Ilang sandali pa, lalabas na siya sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica, kung saan ihahayag ng senior cardinal deacon, si Renato Raffaele Martino, ang sikat na katagang Latin: “Habemus Papam!” o ang ibig sabihin sa Tagalog, “May Santo Papa na tayo!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.