Female star nanganganib dahil sa mga pabango at kandila
MARAMING artistang ngayon pa lang ay naghahanda na para sa kanilang kinabukasan. Nagnenegosyo na sila, meron nang pinagkakakitaan bukod sa kanilang pag-arte, meron na silang masasandalang kabuhayan kapag natapos na ang init ng kanilang karera.
Sa isang umpukan ay nilapitan ng mga miron kung anong negosyo ang dapat pasukan ng isang pamosong female personality para hindi na siya masyadong gumagastos sa kanyang mga kapritso.
Kuwento ng isang source, “Ang dapat sa kanya, e, ang magtayo ng isang factory ng mga spray. With different scents and variants, siyempre, para makumpleto ang mga paborito niyang amoy.
“‘Yun kasi ang kinalolokohan niya, iba-ibang scented spray, hindi na yata siya mabubuhay nang wala ‘yun. Bago siya dumating sa set ng pelikula niya, kailangang mauna na ang kanyang staff. May advance party na siya du’n.
“Kailangang mabango na ang kapaligiran kapag dumating na ang reyna. Ayaw niya kasi sa mabahong paligid, maselan ang ilong niya, kaya bago pa siya dumating, e, spray kung spray na ang mga tao niya.
“Sobra-sobra ang nagagastos niya sa pagbili ng mga spray at scented candles. Ayun! Factory ng mga kandila, puwede rin niyang pasukin, para hindi siya masyadong magastusan!” simulang kuwento ng tawa nang tawang source.
Pati ang dressing room ng female personality ay humahalimuyak sa bango. Punumpuno ng scented candles ang paligid, pati ang CR ng dressing room ay may mga kandila ring mamahalin at mababango, dahil ‘yun ang gusto niya.
Patuloy ng aming impormante, “Oo nga at napakabango ng dressing room niya, e, may mga nag-aalala sa health niya. Baka raw kasi magkaroon siya ng problema sa lungs dahil sa sobra niyang pagpapa-spray.
“Delikado kasi ‘yun sa lungs, hindi pa niya mararamdaman ngayon ang negative effect ng mga kapritso niya, pero in time, baka ganu’n nga ang mangyari sa kanya.
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, pati ikaw, Ching Bautista Silverio, getlak n’yo na ba kung sino ang popular na female personality na ito na medyo inaalat ang career?” pagtatapos ng napapailing naming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.