Pagkokomedya ng 3 OPM Icons bentang-benta sa madlang pipol
KAPAG ang OPM Icons na sina Rey Valera, Marco Sison at Hajji Alejandro ang nakalagay na performers sa ticket na iniaalok sa inyo ay huwag na kayong magdalawang-isip, bilhin n’yo na agad, dahil siguradong sulit na sulit ang ipinambili n’yo.
Ibang klase ang tatlong singers na ito na napakaraming piyesang pinasikat, talagang makikisabay kayo sa pagkanta sa mga markadong awitin na sila ang orihinal na kumanta, hindi nakakainip ang kanilang performance.
Hindi lang kasi diretsong pagkanta ang ginagawa nila, hinahaluan nila ‘yun ng pagkokomedya, lalo na si Rey Valera na parang napakasimpleng tingnan pero puwede siyang maging komedyante.
At lalo naming napatunayan na mahirap abutin ang mga nota ng kanta ni Rey. Kapag siya ang nakapagitna sa entablado ay napakasuwabe ng kanyang atake, pero kapag ang mga nagka-karaoke na ang kumakanta ay hirap na hirap sa pag-abot ng tono, mataas ang boses ni Rey Valera.
Walang kupas ang OPM Icons, ‘yun pala ang dahilan kung bakit hindi nagsasawa sa kanila ang mga kababayan nating matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa iba-ibang bansa, sila pa rin ang gustong mapanood ng mga Pinoy kahit saan.
Congratulations sa Lucky 7 Koi Productions sa ikatlo nilang matagumpay na concert. Maligayang bati kina Tito Henry at Tita Lily Chua at sa kanilang mga co-producers sa isa na namang panggulat na palabas na sila ang naghatid sa ating mga kababayan.
Punumpuno ang The Theater ng Solaire Resort & Casino nu’ng Sabado nang gabi. Umuwing maligaya at kuntento ang lahat ng nanood.
Maligayang bati sa OPM Icons minus Rico J. Puno!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.