Alden may matinding problemang pagdaraanan kung…
KUNG propesyonalismo ang pag-uusapan ay maraming artistang puwedeng kumuha ng seminar sa Pambansang Bae na si Alden Richards. Nasa tamang oras ang lahat ng ginagamit na relo ng guwapong aktor.
Hindi siya nale-late sa kanyang mga commitment, hindi rin uso kay Alden ang kung ano ang kanyang mood, ginagawa niya ang kanyang trabaho dahil ‘yun ang tama at kailangan.
Kuwento ng isang kaibigan naming nakakakita kay Alden sa backstage ng Eat Bulaga, “Very professional siya talaga. Pero nu’ng minsan, e, awang-awa ako sa kanya. Ubo siya nang ubo sa backstage, hatsing nang hatsing, hindi maganda ang pakiramdam niya.
“Pero nu’ng tawagin na siya para mag-work, parang okey na okey siya, hindi mo mararamdaman na he’s not feeling good, nagho-host pa rin siya,” napapailing na impormasyon ng aming source.
Sa sobrang higpit ng kanyang schedule ngayon na halos wala na siyang panahon para sa kanyang sarili ay agapan sana ni Alden at ng mga tao sa kanyang paligid ang kanyang kalusugan.
Wala siyang kumpletong tulog, walang pahinga ang kanyang katawan, ‘yun ang pinakamalakas na imbitasyon sa pagkakasakit. Iisa lang ang kanyang katawan, kapag bumigay ‘yun ay matinding problema ang haharapin niya, kaya ngayon pa lang ay kailangan nang magdobleng ingat ang Pambansang Bae.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.