LUMUSOT sa mga palad ni Filipino-Japanese Kiyome Watanabe ang inaasam na importanteng puntos para idagdag sa kanyang tsansa na muling makapagkuwalipika sa Olympic Games matapos lumasap ng kabiguan sa 2017 World Judo Championships na ginanap sa László Papp Budapest Sports Arena sa Budapest, Hungary.
Ipinaalam ni Philippine Judo Federation (PJF) president Dave Carter na kinapos na makapagwagi muli ng medalya ang katatapos lamang tanghalin na tatlong sunod na Southeast Asian Games gold medalist na si Watanabe matapos mabigo sa quarterfinals ng matinding internasyonal na torneo.
“Napagod na siguro,” sabi ni Carter matapos na mabigo ang 21-anyos na si Watanabe sa kamay ng 30-anyos at 10-diretsong taon na patuloy na sumasabak sa iba’t-ibang torneo na si Leilani Akiyama ng United States sa ikalawang round ng women’s 63 kg event sa Pool C.
Si Akiyama, na ipinanganak din sa Japan, ay kasalukuyang ranked 24th sa buong mundo at umaasam din na makasama sa listahan ng kinakailangang 14 indibiduwal na makakapasok sa Olimpiada na gaganapin naman sa Tokyo, Japan sa taong 2020.
Si Watanabe ay kasalukuyang nasa ika-25 puwesto sa world ranking ng International Judo Federation (IJF).
Sunod na sasalihan ni Watanabe ang Grand Slam sa United Arab Emirates sa Oktubre 22 hanggang 26 sa Abu Dhabi bago ang Grand Slam sa Japan sa Disyembre 1 hanggang 5 sa Tokyo. Huli nitong sasalihan ang Asian Judo Championships sa Hong Kong sa Disyembre 6-12. — Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.