Delicadeza dapat pairalin ni Ombudsman Morales
PINAPARATANGAN ni Pangulong Digong si Ombudsman Conchita Carpio Morales na may kinikilingan siya sa mga kasong sinasampa sa kanyang opisina.
Malambot daw si Morales sa mga mambabatas na kaibigan ni PNoy Kuyakoy na nahaharap sa kasong plunder o graft sa Office of the Ombudsman at matigas sa mga mambabatas na kalaban ng dating pangulo.
Wala pa ngang nababalitaan na sinampahan ng Ombudsman ng kasong plunder o
graft ang mga mambabatas na sangkot sa anomalya ng Countryside Development Fund o CDF sa Sandiganbayan.
Hindi naman talaga kalinisan si Morales na gaya ng pag-aakala ng iba.
Sinabi sa akin ng kaibigan kong abogado nang si Morales ay nasa Supreme Court pa, siya at kapwa niya mga active at retired justices ng Mataas na Hukuman ay palaging bumibisita sa isang bilyonaryong Tsinoy na may kaso sa Supreme Court.
Ano ang ginagawa niya sa opisina ng nasabing Tsinoy?
***
At hindi naman din siya kasing talino na gaya ng inaakala ng karamihan.
Sinampahan niya ng kasong murder ang anim na Navy officers, apat sa kanila ay mga nasa active service pa, sa pagkamatay ni Ensign Philip Pestano noong 1995 sa loob ng barkong BRP Bacolod City.
Sinabi ng isang forensics expert na nagpakamatay si Pestano, pero naniwala si Morales sa paratang ng pamilya na ito’y pinatay ng kanyang mga kasamahan sa barko.
Kung ginamit lang ni Morales ang kanyang utak, hindi siya maniniwala na pinatay si Pestano dahil apat sa mga akusado ay kanyang kasamahan sa Philippine Military Academy (PMA).
Wala pa sa kasaysayan ng military na pinapatay ng isang PMAyer ang kanyang kapwa PMAyer dahil ang academy ay isang big fraternity at masahol pa sa magkakapatid ang turingan nila sa isa’t isa. A band of brothers, ‘ika nga.
Yan ang dahilan kung bakit naging matagumpay ang 1986 coup laban sa diktador na Ferdinand Marcos dahil ang mga opisyal sa magkabilang panig, halos lahat ay mga nagtapos sa PMA, at hindi sumunod na makipagbarilan sa isa’t isa.
Isa pa, kung ang mga shipmates o kasamahan ni Pestano ay may balak siyang patayin upang siya’y patahimikin, di sana ay binaril o sinaksak siya sa barko habang ito ay nasa gitna ng dagat at hinayaang pagpistahan ng mga pating ang kanyang bangkay.
Nilalapa ng pating ang katawan ng tao o hayop na duguan. Naaamoy ng pating ang dugo kahit na malayong-malayo ito sa kanila.
Alam ng mga kasamahan ni Pestano yan dahil di sila mga bobo sa pamumuhay sa dagat na gaya ni Morales.
Matapos maitapon ang bangkay ni Pestano sa dagat ay idineklara na sana nilang missing ito.
Bakit nila papatayin si Pestano sa loob ng kanyang cabin sa barko at dalhin sa puerto?
***
Sinampahan din ni Morales ng kaso sa Sandiganbayan ang dating general manager ng Philippine National Railways (PNR) na si Jose Ma. Sarasola II.
Ang kaso ay dahil sa hindi pagreremit ng premium ng mga PNR employees sa Government Service Insurance System o GSIS.
Again, kung ginamit ni Morales ang kanyang kokote, malalaman niya na minana lang ni Sarasola ang kaso sa mga nauna sa kanya.
Bakit hindi rin sinampahan ng kaso yung mga dating general manager ng PNR?
Malinis ang konsensiya ni Sarasola nang siya’y umalis ng PNR dahil di naman niya ninakaw ang mga milyon-milyong GSIS premium.
***
Ayaw mag-react ni Morales sa sinabi ni Pangulong Digong na dapat ay sinilbihan lang niya ang unexpired term ng kanyang predecessor na si Merceditas Gutierrez.
Napilitang umalis si Gutierrez bilang Ombudsman upang umiwas sa napipintong impeachment complaint sa kanya sa Kongreso.
Bakit ayaw niyang mag-react? Dahil wala siyang makitang dahilan kung bakit patuloy pa siyang umuupo bilang Ombudsman gayong matagal nang expired ang termino ni Gutierrez.
Bobo kasi si Pnoy na nag-appoint sa kanya at hindi nakita na ang puwesto ng Ombudsman ay isang constitutional position at dapat ay matapos ng anim na taon ang termino.
Walang delicadeza itong si Morales kasi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.