Martin del Rosario sinuwerte sa GMA, bayad kahit walang trabaho
“NAGULAT na nga lang po ako na ilang taping days na lang kami sa Mulawin vs Ravena, so by September baka po tapos na.”
Ito ang kaswal na kuwento ni Martin del Rosario nang makatsikahan namin sa cinema tour ng “Ang Manananggal sa Unit 23B” sa Trinoma Mall noong Sabado ng gabi.
Hindi pa namin malalaman na isa pala si Martin sa cast ng Mulawin vs Ravena kung hindi pa kami nagtanong kung ano ang regular show niya sa GMA 7.
Diretso naming tinanong sa aktor kung hindi ba nananalo sa ratings game ang programa nila kaya magbababu na sa susunod na buwan, “Ang alam ko, nananalo naman, siguro once or twice a week saka alam ko rin po, sakto lang din na one season ang Mulawin vs Ravena,” sabi ng binata.
Sabi namin mas lalo pang natalo sa ratings game ang serte nila nu’ng itapat sa La Luna Sangre, at least nu’ng katapat pa ito ng FPJ’s Ang Probinsyano ay nakakatsamba sila base sa survey ng AGB Nielsen, pero sa Kantar Media ay never na nagwagi ang serye ng GMA.
“Hindi ko nga po alam kung bakit inilipat, actually sandwich nga po kami ng Ang Probinsyano at La Luna Sangre,” napangiting sabi ni Martin.
Naalala namin ang sinabi ng GMA 7 executive nang magkita kami sa isang mall tungkol sa pagbabalik ng Mulawin, “Oo nga, eh, sana mag-rate para magtagal, e, katapat niya ang Ang Probinsyano.”
Samantala, guaranteed contract naman daw si Martin sa GMA kaya maski na wala na siyang show ay may suweldo pa rin siya kumpara noong nasa ABS-CBN siya na kapag wala siyang project, wala rin siyang kinikita.
“Masaya po ako now sa GMA, maganda po ‘yung deal ng manager ko (Arnold Vegafria) sa kanila kaya maski paano po, may kita naman. Ang alam ko may two TV projects na in-offer, hindi ko lang po alam kung ano ‘yung napag-usapan,” kuwento ng binata.
As of now ay wala pa siyang alam na movie project pagkatapos nitong “Manananggal sa Unit 23B”, “No idea pa po, pero excited ako dito sa movie namin ni Ryza (Cenon) kasi ang gaganda ng reviews, nakakatuwa ‘yung mga tao kasi paglabas nila ng theater, pinag-uusapan talaga nila. Tapos kapag nakita kami, bumabati sila ng ‘congratulations’ kasi maganda ‘yung movie, so masaya po sa pakiramdam,” saad ni Martin.
Simula nu’ng umalis si Martin sa ABS-CBN ay hindi na kami nagkita pa at nitong Sabado lang naulit at nakatutuwa na hindi pa rin siya nakalilimot sa amin, bilib kami sa memory niya.
Sana magkaroon ulit siya ng maraming proejcts sa GMA para mas lalo pa siyang sumikat at mga challenging role sa pelikula. Mabait naman kasing tao ang binata at propesyonal pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.