Mali ang Uber, tama ang LTFRB | Bandera

Mali ang Uber, tama ang LTFRB

Ira Panganiban |August 18,2017
facebook
share this

Mali ang Uber, tama ang LTFRB

Ira Panganiban - August 18, 2017 - 12:10 AM

KAKAMPI tayo ng Uber at Grab services. Suportado natin ang modernong sistemang ito ng public transport dahil ligtas, epektibo, malinis at maayos ang accountability sa serbisyo.

Subalit sa latest na development sa tele-serye sa pagitan ng Uber at LTFRB, kung saan sinuspinde ng isang buwan ang Uber, mukhang nasa tama ang ang regulating agency ng gobyerno.

Ito ay dahil nagkasundo na silang lahat na ihinto muna ang pagtanggap ng bagong aplikante ang Uber at Grab habang inaayos pa ang sistema para maging lubos na legal na ang mga ito.

Sakit ito ng Uber sa buong mundo, ang labagin ang nakatakdang batas sa pampublikong sasakyan at ipilit na hindi sila sakop ng batas sa prangkisa. Para silang mga bata na itutulak hanggang kaya ang pagkasutil para makita nila kung hanggang saan puwede ang ginagawa nila.

Sa bandang huli ay suspendido din ang bagsak nila dahil nasa tama naman talaga ang LTFRB sa desisyon nila.

Ang masakit lang dito, dahil dati nang walang kuwenta ang madaming polisiya ng LTFRB ukol sa kapakanan ng mananakay, naubos na ang kredibilidad nila para magpatupad ng batas.

Malaking senyales dito ang pahayag ng tatlong senador na sina Grace Poe, Kiko Pangilinan, at Bam Aquino na kinakampihan ang Uber sa latest na isyu nila kontra LTFRB.

Saan ka naman nakakita na ang mga taga-gawa ng batas ay dun pa kumampi sa lumabag sa batas. Parang may mali di ho ba?

At sinisisi ko ang mga tulad ng tatlong senador na ito kung bakit malakas ang loob ng Uber na lumabag sa batas.

Kilala sa buong mundo ang Uber na gumagamit ng PR at influencers para palabasin na tama sila. Ginagamit nila ang public sympathy para gawing tama ang mali. Pero kung kalaban mo ang batas ng lahat ng bansa na pinasok mo, may problema nga kayo.

Uulitin ko, aprubado sa akin ang sistema ng Grab at Uber. Panahon na para itaas ang antas ng taxi service.

Pero may mga regulating issues na dapat din ayusin at harapin ang Uber. May mga batas na dapat sundin at patakaran na ipatupad. Dahil kung wala, kagulo tayong lahat.

At dito ko sisitahin sina Poe, Pangilinan at Aquino. Imbes na kampihan ninyo ang lumabag sa batas dahil popular sila sa naghihirap na mananakay, bakit hindi kayo gumawa ng batas na magtataas ng antas ng taxi service sa bansa? Bakit hindi ninyo asikasuhin yung trabaho ninyo imbes na magpasa-showbiz.

Dahil sa isyung ito, taliwas man sa inaasahan ng madami sa akin, kampi ako sa LTFRB.

Sapagkat sa pagkakataong ito, LTFRB ang nasa tama at mali ang Uber.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa komento at reaksiyon sumulat po lamang sa [email protected] o sa [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending