Janice umaming ‘adik’, baliw na baliw sa sikat na Korean actor
ADIK! Walang dudang nakain na rin ng sistema ang Kapuso actress na si Janice de Belen. But don’t get us wrong, ha! Hindi naman matotokhang si Janice dahil sa kanyang pagiging adik.
Ang tinutukoy namin ay ang pagkagumon niya sa K-Drama at sa pagkabaliw niya sa mga gwapong Korean actors. Kaya nga nang i-offer sa kanya ng GMA ang bagong primetime series na My Korean Jagiya ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Ito’y pinagbibidahan ni Heart Evangelista at ang cute na cute na Korean actor na si Alexander Lee na miyembro ng K-pop group na U-KISS.
Nakachika namin si Janice sa press launch ng nasabing serye at inamin nga niya na palala na nang palala ang pagkaadiktus niya sa K-Drama. Noong 2014 pa raw siya naging adik sa K-Drama at pitong beses na siyang nagpabalik-balik sa Korea.
Sey ni Janice, nag-aaral na rin siya ngayon ng Korean language dahil, “Ang goal ko sa buhay, makapanood ako ng K-Drama na hindi ako nagbabasa ng subtitle.”
Ang Korean heartthrob na si Lee Min Ho raw ang una niyang oppa, ang kanyang first love na naging susi para mahumaling siya sa mga Koreanovela. Nainterbyu raw kasi niya ito noon para sa isang talk show and as they always say, the rest is history.
Sa ngayon, ang bida sa Korean series na Descendants Of The Sun na si Song Joong Ki ang kinababaliwan niya ngayon, sa katunayan, inatake raw siya ng matinding depresyon nang umamin na si Joong Ki na ikakasal na sila ng kanyang leading lady na si Song Hye Kyo, “Na-depress talaga ko. Ganu’n pala talaga yung fan. Noong una gusto ko silang dalawa, habang tumatagal parang ayaw ko na. Paano ko kaya matatanggap ito? Ha-hahaha!”
Natatawa pa niyang kuwento, “Nakakaloka nga, nu’ng i-announce na nila na ikakasal na sila, sobrang init ng ulo ko, maghapon ‘yun! Nagkulong pa yata ako nu’n sa kwarto!”
Hindi na rin siya maawat ng kanyang mga anak kaya sinusuportahan na lang ang kalokahan niya, “Eh, sabi ko nga sa kanila, sige, ano gusto n’yo boyfriend o ito na lang? Ha-hahahaha!”
Pero kung magkakadyowa man daw siya ng Korean, ang gusto niya, “Sana ‘yung Superstar din, di ba?”
Samantala, gagampanan ni Janice sa My Korean Jagiya ang role ni Aida Asuncion, ang balong tiyahin ni Gia (Heart) na siyang kumukunsinti sa dalaga ng pagkaadik nito sa mga Korean drama at Korean stars. Sey ni Janice, sobra siyang nakaka-relate sa mga karakter nina Gia at Aida kaya hindi na siya kailangang umarte pa.
In fairness, sa trailer pa lang ng My Korean Jagiya ay siguradong maaadik din ang mga Pinoy sa kuwento nito. Sinuguro ng direktor ng programa na si Mark Reyes na puro pampa-good vibes ang ihahatid nila sa mga manonood para kahit paano’y makalimot daw tayo sa ating mga problema.
Nakakaaliw ang mga ipinakitang eksena nina Heart at Alexander na kinunan pa sa magagandang tourist attractions at historical spots sa Korea.
Magsisimula na sa darating na Lunes ang My Korean Jagiya sa GMA Telebabad kung saan makakasama rin sina Ricky Davao, Iya Villania-Arellano, Edgar Allan Guzman, Valeen Montenegro, with the special participation of Korean stars David Kim, Michelle Oh, and Jerry Lee.
Ka-join din sa serye sina Frances Makil Ignacio, Myke Solomon, Jinri Park, Divine Aucina at Khane dela Cruz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.