ANUMANG balita ng kaguluhan sa iba’t ibang panig ng mundo, pala-ging nakaalerto ang pamahalaan ng Pilipinas, dahil saan mang sulok ng daigdig, pala-ging may Pinoy.
Totoo naman iyan! Maging sa mga barkong naglalayag sa karagatan, isang nagdudumilat na katotohanan na pala-ging may Pilipinong tripulante na naroroon.
Kaya nang lumabas ang balita na posibleng ilunsad ng North Korea ang kanilang missile attack sa Guam at Northern Marianas, kaagad itong tinutukan ng pamahalaan.
Dahil nga pina-ngangambahang banta ng pag-atakeng ito kung kaya’t itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert level status nito ayon na rin sa rekomendasyon ng Philippine Consulate sa Guam para na rin sa kaligtasan ng ating mga kababayang naroon.
Sa ilalim ng crisis alert level 1 o “precautionary phase” ng DFA, pinaaalalahanan ang mga kababayan natin sa Guam, Saipan, Tinian at Rota na maging alerto palagi sa anumang mga kaganapan sa kanilang paligid. Kinakailangang patuloy silang nagmo-monitor at updated sa pinakahuling mga balita galing sa iba’t ibang media outlets at sangay ng pamahalaan doon.
Paglilinaw naman ni Consul General Marciano de Borja ng Konsulado ng Pilipinas sa Guam, ginagawa ang naturang pag-aanunsiyo ng crisis alert upang ihanda ang ating mga kababayan at hindi upang mag-panic kapag nagkagipitan na.
Sa mga panahon ngayong totoong napakamapanganib, wala nang puwedeng gawin ang tao kundi ang makinig sa mga babala at sumunod na lamang sa mga instruksyon o tagubilin para na rin sa kanilang kaligtasan.
Hindi na ito ang panahon upang pilit paniwalain pa ang mga sarili na malayo naman sa kanilang lugar ang nagaganap na kaguluhan. O di kaya’y patuloy na kinukumbinsing napakatahimik sa kanilang lugar at hinding-hindi mangyayari ang anumang posibleng mga pag-atake.
Maaari ring isipin nang ilan na hindi naman itutuloy iyon kung kaya’t dead-ma na lang daw sila! Ma at pa ang tawag nila diyan. “Malay at pakialam ko!”
Kaya pipilitin pa rin nilang mabuhay nang normal na para bang walang nangyayaring kaguluhan sa paligid. Matutulog at magigising na parang walang mga pinangangambahan at dating gawi pa rin. Pagkatapos ng trabaho, mamimili at magpapadala ng pera at ilang produkto sa Pilipinas.
Ganyan ang kaisipan ng ilan nating mga kababayan sa kabila ng paulit-ulit na babala na ibinibigay ng pamahalaan, ng mismong gobyerno ng bansang kinaroroonan, ng ating mga opisyal ng embahada o konsulado o ng mismong mga kababayan natin doon.
Hangga’t maaari, pipilitin pa ring paniwalain ang sarili na walang dapat ipangamba at tuloy ang buhay. Bakit nga ba napakahirap kumbinsihin ng Pinoy?
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.