BUKOD sa misyon na makuha ang ikalawang panalo ay dagdag na motibasyon para sa Philippine national women’s volleyball team ang makaresbak sa Kazakhstan ngayon sa pagpapatuloy ng 19th Asian Senior’s Women’s Volleyball Championship sa Alonte Sports Arena, Biñan City, Laguna.
Matatandaang dumayo ang Pilipinas para sumabak sa AVC Asian Women’s Club Championships nito lamang buwan ng Marso kung saan tumapos ito sa ikawalong puwesto.
Naging kaduda-duda ang tawagan at natalo ang Pilipinas sa huli nitong laro sa torneo kontra sa host team ng Kazakhstan kaya naman nais ng mga Pinay spikers na manalo sa sarili nitong bakuran at ipalasap sa bisita ang kabiguan.
Maghaharap ang Pilipinas at Kazakhstan alas-5:30 ng hapon.
Ang torneo ay unang pagsasama-sama ng mga Pinay na kabilang sa pambansang koponan bago na lamang nagtungo sa Japan para sa kabuuang 17-araw na training camp bilang paghahanda para sa torneong ito at sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa susunod na linggo.
Agad naman nakita ang maayos na paglalaro ng koponan matapos nitong talunin sa unang laro ang Hong Kong, 25-21, 25-16, 25-17.
Pinamunuan ni team captain Mika Reyes kasama sina Alyssa Valdez, Jaja Santiago at Abby Maraño ang atake at depensa ng koponan tungo sa madaling panalo na umabot lamang sa mahigit isang oras at 30 minuto.
Nagwagi rin sa unang araw ng kompetisyon ang South Korea sa New Zealand, 25-21, 25-14, 25-12, habang nanalo naman ang Japan kontra sa Australia, 25-19, 25-14, 25-8, at ang Chinese-Taipei ay nanalo sa apat na set laban sa Iran, 25-15, 25-27, 25-17, 25-20. Umiskor din ng panalo ang Thailand laban sa Maldives, 25-5, 25-12, 25-9.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.