MASUSUBUKAN agad ang tikas at gilas ng Philippine men’s basketball team sa unang laro nito sa Group B ng FIBA Asia Cup ngayong gabi sa Lebanon.
Ito ay dahil makakatapat agad ng bansa ang nagdedepensang kampeong China umpisa alas-6:30 ng gabi.
Huling tinalo ng China ang Pilipinas sa kampeonato ng 2015 FIBA Asia Cup at 2016 FIBA Asia Challenge upang panatilihin ang dominasyon ng mga Intsik sa mga Pinoy.
Hindi makakasama ng China ang mga superstar nito na sina Yi Jianlian at Zhou Qi pero hindi rin makapaglalaro para sa Pilipinas ang naturalized Filipino na si 7-footer Andray Blatche na tumangging maglaro sa Lebanon at ang 6-foot-10 na si June Mar Fajardo na may iniindang injury.
Dahil dito ay mapupunta kay 6-foot-8 Fil-German Christian Standhardinger ang pasanin bilang sentro ng “maliit”na pambansang koponan.
Gayunman, dadaanin ng mga Pinoy sa bilis at sa outside shooting ang kanilang mga makakalaban sa torneyong ito sa pangunguna ng mga guwardiang sina Jason Castro at Terrence Romeo.
Kasama rin sa koponan sina Calvin Abueva, Matthew Wright, Jio Jalalon, Roger Pogoy, Carl Cruz, Japeth Aguilar, Gabe Norwood at Raymond Almazan.
Kabilang din sa Group B ang Iraq at Qatar.
Kailangan ng Pilipinas na manalo ng kahit isang laro man lang para makausad sa susunod na round.
Makakaharap ng Gilas ang Iraq alas-9 ng gabi sa Biernes at ang Qatar alas-9 ng gabi sa Linggo. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.