INUWI ni Philippine No. 1 cue master Carlo Biado ang pinakaunang gintong medalya ng bansa sa World Games sa pagwawagi nito sa 9-ball men’s pool finals Sabado ng gabi sa pagbigo kay Jayson Shaw ng Great Britain, 11-7, sa Centennial Hall Wroclaw Congress Center sa Wroclaw, Poland.
Hindi hinayaan ng 2015 Southeast Asian Games men’s doubles gold medalist at Philippine National Games champion na si Biado na mapag-iwanan sa kampeonato matapos nitong agad na itala ang 2-0 abante at hindi na hinayaan pa ang kalaban makaahon para ibigay sa Pilipinas ang kauna-unahan nitong gintong medalya sa internasyonal na torneo na tampok ang mga hindi kasaling laro sa Olimpiada na ginagawa rin kada taon.
Unang tinalo ni Biado ang nakatapat na si Naoyuki Oi ng Japan, 11-7, sa unang semifinals para makaharap nito si Shaw, na nagwagi kay Ko Pin Yi ng Chinese Taipei sa isa pang semis, 11-6, para umusad sa kampeonato.
Bago ang gintong medalya ni Biado, ang pinakamataas na nauwi ng Pilipinas sa torneo ay ang pilak ni Marlon Manalo sa snooker men’s singles noong 2011 World Games sa Akita, Japan.
Magkasunod na kabiguan naman ang nalasap ni dating Asian Junior champion Chezka Centeno na ang huli ay sa krusyal na labanan para sa tanso kontra Han Yu ng China, 3-9, sa 9-ball women’s pool.
Una naman nabigo si Centeno sa isa pang Chinese na kasalukuyang No. 1 sa mundo na si Chen Siming, 6-9, sa semifinals.
Sina Biado at Centeno ay kabilang sa walong manlalaro sa Asya na binubuo ng apat na lalaki mula sa Chinese Taipei, China at Japan gayundin sa babae mula sa Chinese Taipei, Korea at Japan na nakapagkuwalipika sa torneo dahil sa kanilang pangunguna sa world rankings.
Bago ang ginto ni Biado sa 11-araw na quadrennial sportsfest na nilahukan ng 104 bansa ay nakalikom ng tiglimang pilak at tanso pa lamang ang bansa sa torneo.
Ilan sa nakakuha ng pilak ay sina Arianne Cerdeña-Valdez sa women’s tenpin bowling singles at sa mixed doubles kasama si Jorge Fernandez sa 1989 World Games sa Karlsruhe, West Germany.
Nakatanso naman sina Dennis Orcullo sa men’s billiards singles 9-ball sa 2013 Cali, Colombia; Olivia ‘Bong Coo’ Garcia at Rene Reyes sa tenpin bowling mixed doubles sa 1985 London, England; Rafael ‘Paeng’ Nepomuceno sa men’s singles sa 2011 Akita at sa 1997 Lahti, Finland; at bowler Liza del Rosario sa women’s singles sa 2009 Kaohsiung, Taiwan.
Ang dalawang Pilipinong cue artist naman ang mangunguna sa 11-kataong billiards national team na sasabak sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 30.
Idedepensa ni Biado ang ginto sa men’s doubles gayundin si Centeno sa 9-ball women’s pool.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.