ANG pag-inom ng isang babae ng isang maliit na baso ng wine o beer o anumang alcohol drink kada araw ay mas mataas ang posibilidad na dapuan ng breast cancer, ayon sa bagong pag-aaral ng World Cancer Research Fund (WCRF) at ng American Institute for Cancer Research (AICR).
Batay sa resulta ng isinagawang pag-aaral ng WCRF at AICR, mas lantad ng limang porsiyento ang mga babaeng umiinom ng alak na hindi pa nagme-menopause, samantalang mas lantad ng siyam na porsiyento sa breast cancer ang mga babaeng nag-menopause na at umiinom ng isang basong alak kada araw.
Ibinatay ang resulta ng bagong pag-aaral matapos ang pag-aanalisa sa 119 na isinagawang pananaliksik, kasama na ang 12 milyon babae at 260,000 kaso ng breast cancer.
Binigyang diin ng ulat ang kahalagahan ng pag-eehersisyo para mapaliit ang tsansa ng pagkakaroon ng breast cancer para sa pre-menopausal at post-menopausal na mga babae.
Base pa sa pag-aaral, mas bumababa ng 17 porsiyento ang posibilidad na magkaroong ng breast cancer ang mga babae na hindi pa nagme-menopause, na aktibo o sila na sumailalim sa iba’t ibang physical activities gaya ng pagtakbo at pagbibisikleta.
Sampung porsiyento namang bumababa ang posibi-lidad ng pagkakaroon ng breast cancer para sa mga menopause na at sagana pa rin sa physical activities.
Bu-mababa naman ng 13 porsiyento ang pagiging lantad sa breast cancer sa mga babaeng may katamtamang pisikal na aktibidad, kagaya ng paglalakad at gardening, kumpara sa mga babaeng walang aktibidad na pisikal, ayon pa sa pag-aaral.
Mas malaki rin ang tsansa na magkaroon ng breast caner ang mga babae obese o overweight o obese.
Mas mababa naman ang tsansa na magka breast cancer ang mga nanay na nagpa-breastfeed.
Sinabi rin ng pag-aaral na nakatutulong din sa pagbaba ng posibilidad na magkaroon ng breast cancer ang tamang diet.
Samantala, limitado naman ang ebidensiya na mabisang panlaban sa breast cancer ang pagkain ng mataas sa calcium (green vegetables, dried fruits, sesame, dairy products) at prutas at gulay na mataas sa carotenoids (bell peppers, carrots, apricots, broccoli, spinach).
Ayon sa pagtaya ng AICR, isa sa tatlong kaso ng breast cancer ang maiiwasan sana kung hindi iinom ng alkohol ang mga babae, kung sila ay aktibo sa pisikal na gawain at napapanatili ang katamtamang timbang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.