Nagpapanggap na turista di na lulusot sa BI | Bandera

Nagpapanggap na turista di na lulusot sa BI

Susan K - July 14, 2017 - 12:10 AM

NAKATUTUWANG marinig ang positibong balita mula sa Bureau of Immigration na hindi nila pinaalis ang may 43,000 tourist workers patungo sa ibang bansa mula noong Hunyo 2016 hanggang noong nakaraang buwan.

Ayon kay Atty. Antonette Mangrobang, tagapagsalita ng BI, dahil nga sa mahigpit na pagpapatupad ng kanilang tanggapan kung kaya’t marami tayong mga kababayan ang hindi nakalusot na makaalis at nailigtas sa posibleng kapahamakan pagdating nila sa abroad.

Sabi ni Mangrobang, wala kasi silang matibay na mga katibayang maipakita sa mga immigration officers sa ating mga paliparan kung bakit sila aalis o mangingibang bayan.

Naging estilo o dating gawi kasi ng ating mga kababayan na ang gagawin nilang deklarasyon sa immigration ay magtuturista sila;  ngunit ang katotohanan ay may trabaho silang papasukan sa abroad o di kaya ay maghahanap pa lang ng trabaho sa bansang pupuntahan.

Mabilis anyang nalalaman ng mga opisyal ng BI kung lehitimong turista ang isang pasahero. Ang kanilang mga tauhan ay dumadaan sa matinding training lalo na sa tinatawag na “profiling”.

Sa bawat tanong, mahuhuli nila ang mga ito sa pamamagitan ng  mga sagot na magpapatunay kung lehitimo o hindi ang isang pasahero.

Sabi pa ni Mangrobang, may mga pagkakakilanlan o palatandaan upang malaman kung ang isang magbibiyahe ay hindi talaga turista.  Isa sa basehan ay kung ang indibidwal ay merong dalang return ticket.

Kung wala silang booking pabalik ng Pilipinas, isang senyales na ito na maaaring magtagal ang ating kabayan sa abroad at sa halip na magturista, may iba pa nga itong misyon sa abroad.

Ayon kay Commissioner Jaime Morente, mas magiging masigasig pa ang mga tauhan ng BI sa screening ng ating mga kababayan upang maiwasan silang maging biktima ng human trafficking at illegal recruitment.

Siyamnapung (90%) porsiyento ng mga apprehensions na ito ay nangyari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) samantalang 10 porsiyento naman ay mula sa Mactan, Clark Kalibo, Zamboanga, Davao at Iloilo.

Kasabay rin nito ang paghihigpit ng BI noong nakaraang taon para sa mga foreign nationals na bumabalik ng bansa. May mga dayuhang nakalista sa kanilang database bilang sex offenders na hindi na maaaring makapasok ng bansa.

Hinihimok naman ng BI ang publiko na makipagtulungan sa pamahalaan upang maiwasang mabiktima ng mga sindikatong ito na nag-ooperate sa iba’t ibang panig ng mundo.

Mula sa amin sa Bantay OCW maraming salamat sa Bureau of Immigration at dahil sa inyong paghihigpit, marami tayong mga kababayan ang naiiwas sa kapahamakan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming:  www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending