Solo lead habol ng Arellano Chiefs kontra San Sebastian Stags
Mga Laro Ngayon
(Arellano Gym)
2 p.m. Arellano vs San Sebastian (jrs)
4 p.m. Arellano vs San Sebastian (Srs)
Team Standings: San Beda Lions (1-0); Arellano Chiefs (1-0); Lyceum Pirates (1-0); CSB Blazers (1-0); Mapua Cardinals (1-1); San Sebastian Stags (0-1); JRU Bombers (0-1); Letran Knights (0-1); Perpetual Altas (0-1); EAC Generals (0-0)
SOLOHIN ang liderato ang asam ng Arellano University Chiefs sa pagsagupa sa season host San Sebastian College-Recoletos Golden Stags sa pagsasagawa ng pinakaunang laro sa “NCAA On Tour” ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament ngayon sa Arellano University Gym sa Legarda, Maynila.
Una munang magsasagupa ang Braves at Staglettes ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng sagupaan sa pagitan ng naghahangad sa ikalawang sunod nitong panalo na Chiefs at ang pilit babangon sa nalasap nitong kabiguan sa pagbubukas ng liga na Stags sa ganap na alas-4 ng hapon.
Agad nalasap ng Season 92 finalist na Arellano ang maigting na 91-82 panalo kontra Mapua University Cardinals kung saan nag-init sa huling apat na minuto si Kent Salado upang itala ang game-high 24 puntos habang tumulong din si Michael Cañete, na mula sa St. John of Davao, sa itinalang double-double na 17 puntos at 12 rebounds.
Gayunman, inaasahang muling masusubok ang kakayahan ng Chiefs kontra Stags na pinahirapan muna ang nagtatanggol na kampeong San Beda Red Lions bago nalasap ang 67-76 kabiguan.
“Every game is an adjustment period for us,” sabi lamang ni Arellano coach Jerry Codiñera. “We wanted our veterans to take charge while we expect our other players to step up and contribute in giving their very best every game. Ito lang ang aming philosophy sa ngayon.”
Halos abot kamay naman ng Stags ang pinakamalaking upset sa pagsisimula ng torneo sa pagkapit sa 60-57 abante sa huling pitong minuto ng ikaapat na yugto subalit agad itong pinawi ng Red Lions upang malasap ang unang kabiguan.
Aasahan ng Stags si Michael Calisaan na nanguna sa koponan sa 13 puntos habang si Lorenzo Navarro na mula sa La Salle ay nagpamalas ng 12 puntos, pitong assist at tatlong steal.
Samantala, kinatigan ng NCAA Management Committee (ManCom) ang protesta ng College of St. Benilde kontra sa pagsusuot ng maling uniporme ng nakalaban na University of Perpetual Help.
Nagawang magwagi ng Altas kontra Blazers, 69-65, subalit binawi ng league board ang panalo matapos magsuot ng mas madilim na kulay maroon sa dapat sanang nakatakda dito na kulay puting uniporme.
“Any athlete whose playing uniform does not conform with the rules, first offense is ineligible to participate in a given game,” sabi ni NCAA Management Committee chairman Fr. Glyn Ortega, OAR, ng San Sebastian.
“Hence, Perpetual Help forfeits its game in both the juniors and seniors division,” sabi pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.