Edu nakabili ng mga ari-arian sa Batangas habang nakikipag-inuman
MASAYA naming nakahuntahan ang original king of game shows na si Edu Manzano habang break sila sa taping ng Celebrity Bluff ng GMA 7.
“Bluffer” si papa Doods sa naturang show hosted by Eugene Domingo at aniya enjoy na enjoy siya sa bago niyang “role” sa TV.
“I’m so relaxed. Para lang akong naglalaro at walang pressure and yet I enjoy it so much. Aliw na aliw ako kay Boobay, kay Isko (Brod Pete), sa lahat. It’s a new environment, new family,” sunod-sunod na paglalarawan ng magaling na aktor-TV host.
At his age raw ay hindi na niya keri ang sobrang pressure sa work, “Graduate na tayo diyan,” sabay kuwentong kapag wala siyang ginagawa ay nasa farm lang niya siya sa Batangas.
Mayroong mahigit tatlong ektaryang farm si papa Doods sa Batangas at tuwang-tuwa nga raw siya sa mga produkto nito ranging from fruits to vegetables to hogs.
q q q
May kakaibang kuwento si papa Doods kung paano niyang na-acquire nang paunti-unti ang naturang property.
Noong 90’s ay nakatuwaan nilang mag-fishing ng ilang kaibigan sa isang area ng Batangas at nang abutan sila ng malakas na ulan ay napadpad sila sa sitio ng Calayu.
“Du’n kami nagpalipas ng oras, sa isang tindahan na tipikal sa mga baryo. Gasera pa ang ilaw. Nu’ng mailawan ako at makilala ng aleng tindera, nagkatuwaan na kaming mag-inuman. Kuwatro kantos pa yung iniinom namin.
“Habang tumatagal, napansin na lang naming dumadami na ang mga taong tagaroon and before we knew it, kainuman na namin sila. Tahimik pa sila sa umpisa until noong medyo nakainom na, aba, isa-isa na silang nag-aalok ng property nila.
“Mula sa 200 square meters, hanggang sa 300 and so on. Lahat sila proud pang sumasagot na ‘titled’ na ang mga lupa at gustong ibenta sa akin,” kuwento pa ni papa Doods.
Ang nakakatuwa, dumating pa raw sa puntong dahil gusto niya na magkakatabi ang bibilhing property, yung mga naunang nagbenta na ay pinuntahan at sinundo pa yung mga may-ari na katabi to encourage them to sell their properties. At sa isang inuman lang daw lahat yun naganap.
“The following day nang bumalik ako, siguro ay nakabili na ako ng mahigit isang ektarya. Yung mga sumunod, through the years ay na-acquire ko na rin,” balik-tanaw pa ng award-winning actor.
q q q
Nang tanungin namin si Edu kung sa kanya nagmana ang anak na si Luis Manzano pagdating sa pagiging negosyante, sey nito, “Siguro, pero parang mas magaling siya sa akin.”
At dahil si Luis na rin lang ang pinag-uusapan, nai-segue naming itanong kung naba-bother ba siya sa pagiging “patola” ng anak sa mga bashers nito sa social media.
“Minsan naman talaga kailangan, eh. Alam na niya iyan. May pinag-aralan ang anak ko kaya’t hindi ko nakikitang maliligaw siya ng landas pagdating sa mga ganyan. But you know what, ang hindi alam ng karamihan, sobrang mahiyain iyang batang iyan. Napaka-loyal pa, lalo na sa friends. Hindi nga nagbabago ng set of best friends iyan,” pahayag pa ni papa Doods.
Naikuwento rin nitong mas una niyang nakilala si Jessy Mendiola kesa sa anak. Hindi pa raw ito artista ay kilala na niya ang dalaga dahil sa mga parents nito.
At kung ito man daw ang magiging future daughetr-in-law niya, “Hindi ko na ikagugulat iyan. Sa tindi ng mga kagulat-gulat na nasaksihan ko sa showbiz, yung pag-aasawa ni Luis siguro ang hindi na makakagulat sa akin,” ang natatawa pa nitong sagot.
And for the first time nga as host, ay magkakasama ang mag-ama ngayong Linggo sa kauna-unahang The EDDYS ng samahang SPEEd, ang hanay ng mga patnugot na magbibigay parangal sa mga outstanding film workers and performers.
“Ibibigay ko na sa kanya iyan (pagiging seryoso). Pati yung pagbibigay side comments sa mga bagay-bagay. Siya naman itong may very active career kaya bahala na sa kanya ang mga editors,” sey pa ni papa Doods sa istilo ni Luis bilang host.
Well, we will see this Sunday as they both witness the very first The EDDYS awards night.
.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.