GIGIL sa galit si House majority leader Rep. Rodolfo Farinas nang malaman na tila isinusuka siya ng mga taga-Ilocos Norte, ang probinsya na kanyang nirerepresenta sa Kamara.
Dangan kasi ay suportado ng karamihan ng kanyang mga kababayan ang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na ideklara siyang persona non grata.
Hindi siguro matanggap ng mambabatas na hindi pabor ang kanyang mga kababayan sa ginawang pagpapakulong sa anim na opisyal at kawani ng Kapitolyo na dumalo sa pagdinig sa Kamara noong Mayo.
Nanlumo rin siguro siya nang malaman na imbes kampihan sa kanya umanong “pagpupunyagi” ay siya pa itong nasabihan ng mga kababayan na hindi niya sinunod ang batas nang akusahan ang kapitolyo ng maling paggamit sa P66.4 milyon pondo mula sa excise tax ng tabako.
Pero ang pinakamasakit para sa kanya na malaman ay ngayon pa lang ay tiyak na ang kahihinatnan sakaling banggain niya si Gov. Imee Marcos sa halalan sa 2019.
Kaya nang lumabas ang ulat na parang itinatakwil siya ng Sangguniang Panlalawigan ay nagsumbong agad sa media itong si Farinas.
Nariyang kakasuhan daw niya ang mga board member na nasa likod ng deklarasyon na nakasakit umano sa kanyang pagkatao at lumalabag sa kanyang karapatan.
Giit ni Cong: “No one, especially Sangguniang Panlalawigan members, can declare me a persona non grata…I am the duly elected representative of the first district of Ilocos Norte, and the Majority Leader of the House of Representatives.”
Nariyan ding ipamukha niya sa mga opisyal na sumang-ayon na ideklara siyang “di-katanggap-tanggap na indibidwal” na maaari lamang itong igawad sa mga dayuhan.
Totoo iyan. Hindi siya maaaring pagbawalang tumuntong, bumiyahe at mag-ikot sa Ilocos Norte dahil wala naman siyang batas o ordinansang nilabag na pwede siyang parusahan sa korte.
Pero ang opinyon ng Sangguniang Panlalawigan ay isang malinaw na mensahe na hindi lang ang anim na kawani ng probinsya at si Marcos ang kanyang kinalaban kundi ang bulto ng mga Ilocano roon.
Malinaw rin siguro kay Farinas na oo nga at walang pipigil sa kanya na gumala sa kanyang nasasakupan pero wala naman siyang magagawa kung hindi man siya i-welcome ng mga taga-Ilocos Norte sa kanilang mga puso…at boto.
***
TRIVIA: Hindi nag-iisa si Farinas sa mga Pinoy na idineklarang persona non grata o “unwelcome person” sa salitang Latin ng sariling kababayan.
Noong 2005, idineklara ang reporter na si Mei Magsino-Lubis bilang persona non grata nang payuhan niya si dating Batangas Gov. Armand Sanchez na bumalik sa paaralan at muling pag-aralan ang GMRC (Good Morals and Right Conduct).
Taong 2008 naman nang ideklara ng konseho ng Angeles City ang kanila mismong presiding officer at vice-mayor na si Vicenta Vega-Cabigting sa pagtanggi nitong lagdaan ang appointment ng confidential staff na nakatalaga sa mga mayorya.
Natikman din ng komedyanang si Candy Pangilinan ang ngitngit ng mga taga-Baguio nang gawin niyang bida sa kanyang biro ang mga Igorot noong 2009.
Maging ang aktres/beauty queen na si Gloria Diaz ay naideklarang ring persona non grata ng Cebu City dahil sa isang komento ukol sa pagsagot ng Tagalog sa mga beauty contest ng mga kandidata noong 2010.
Katakot-takot na paumanhin naman ang komedyanteng si Ramon Bautista sa mga Duterte noong 2014 matapos niyang ilarawan bilang “hipon” ang mga babae sa Davao City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.