‘Ang Pagsanib Kay Leah dela Cruz’ nina Shy at Sarah kakaibang pelikula ng kademonyohan
ANG kasamaan at matinding galit sa puso ng tao ang kadalasang ginagamit na paksa sa mga horror-suspense movie.
Dito humuhugot ang isang writer ng horror film para gawing tema ng kanyang obra. Sino nga ba ang hindi pa nakaramdam kahit minsan sa buhay nila ng matinding galit? Ang makapag-isip ng masama sa kapwa para lang makaganti o makapanakit ng iba?
At ito nga ang pinakasentrong paksa ng latest horror-suspense-thriller movie na “Ang Pagsanib Kay Leah Dela Cruz,” kung saan isang walang kalabang-labang babae ang nilukuban ng demonyo. Ito’y mula sa Viva Films, Reality Entertainment at Kamikaze Pictures sa direksyon ni Katski Flores.
Sa hindi pa malamang dahilan, tumalon si Leah dela Cruz (Shy Carlos) sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Natagpuan siyang nakahandusay sa ibaba ng balkonahe ng pulis na si Ruth (Sarah Lahbati) at ng kaibigan ni Leah na si Gabriel (Julian Trono).
Pagkatapos ng aksidente ni Leah, nagkasunud-sunod ang mga pangyayaring hindi maipaliwanag. Dito na magsisimula ang matinding katatakutan sa pelikula.
Gusto ko ang angas ng karakter ni Sarah bilang pulis na si Ruth. Sa titig pa lang niya ay kikilabutan ka na. Naipahiwatig niya ang determinasyon na malaman kung bakit nagtangkang magpakamatay Leah, pati na rin ang pagnanais na makabawi sa mga kasalanang nagawa niya sa kanyang buhay.
Nakakagulat naman ang akting na ipinakita ni Julian Trono sa pelikula. kasi namin inasahan na ganu’n pala siya kahusay. Kung mabibigyan pa ng mas maraming challenge ang binata pagdating sa pag-arte, hindi imposibleng maging isa rin siya sa mga tinitingalang aktor sa local showbiz.
Pero sa kabuuan ng pelikula, si Shy Carlos at ang karakter niyang si Leah ang pinakagusto namin.
Nabigyan niya ito ng hustisya. Tumatak sa amin ang isang eksena niya kung saan nakatitig lang siya sa ‘yo at biglang mapapangiti na tila kitang-kita niya ang kaitiman ng iyong kaluluwa at natutuwa dahil tila itinuturing ka na rin niyang kampon ng demonyo.
Hindi niya kailangang magsisigaw para ipahiwatig ‘yun sa mga manonood. Yung pailalim lamang na titig niya ay sapat na para kilabutan ka.
Nakakalito ang kuwento kung hindi mo ibibigay ang 100% ng iyong atensyon sa palabas. Mahilig talaga kami sa mga horror films, kaya medyo predictable na para sa amin ang mga gulat scenes. May ilang eksena na gusto ko pa sanang hanapan ng linaw pero hindi na naipaliwanag sa kabuuan ng pelikula.
Impressive naman ang prosthetic na ginamit sa itim na nilalang at sa bumubulong na bibig sa movie.
Pagkatapos ng “Ang Pagsanib Kay Leah dela Cruz” isa lang ang nasabi ko sa aking katabi: “Parang na-trauma ako! Feeling ko sinasaniban na rin ako!”
Showing na bukas ang “Pagsanib Kay Leah Dela Cruz” sa mga sinehan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.