Patuloy na nagsasagawa ng clearing operation ang pulisya’t militar sa Pigcawayan, North Cotabato, at mga kalapit na lugar kasunod ng pagsalakay ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nag-iwan ng di bababa sa anim na nasawi, dalawang sugatan, at nagdulot ng paglikas ng mahigit 1,000 residente.
Kasabay ng pursuit operation laban sa mga sumalakay ang pagsasagawa ng clearing para matulungang makauwi ang mga lumikas, sabi ni Maj. Gen. Arnel dela Vega, commander ng Army 6th Infantry Division.
Ipinaalam ang mga naturang operasyon sa Moro Islamic Liberation Front at ceasefire committee upang maiwasan ang insidente sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at kasapi ng MILF 105th Base Command na nago-operate malapit sa Pigcawayan, aniya.
Inulat naman ni Senior Supt. Emmanuel Peralta, direktor ng North Cotabato provincial police, na napatay sa pagsalakay ng BIFF sa Pigcawayan noong Miyerkules ang mga sibilyang sina Towan Dading Esmael, 61, ng Brgy. Simsiman, at Abraham Sakilan Cutay, 33, ng Brgy. Malagakit.
Natagpuan si Esmael na may mga tama ng bala at nakahandusay sa kanyang bukid sa Malagakit.
Inihayag naman ng misis ni Cutay sa pulisya na sadyang pinatay ng BIFF ang mister, na nagsasanay para maging miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), sabi ni Supt. Joyce Birrey, tagapagsalita ng provincial police.
“‘Yung CAFGU trainee, sabi ng misis niya, pinatay talaga ng BIFF. Namukhaan nila, tapos sinabihan na bakit ka pa nag-CAFGU, ‘yun po ang statement ng misis niya,” sabi ni Birrey sa Bandera nang kapanayamin sa telepono.
Nakatanggap naman ang militar ng ulat na di bababa sa apat na kasapi ng BIFF ang napatay sa ilang oras na pakikipagbakbakan sa mga sundalong rumesponde sa pagsalakay ng mga rebelde, sabi ni Capt. Nap Alcarioto, tagapagsalita ng Army 602nd Brigade.
Kinumpirma din ni Alcarioto na dalawang miyembro ng CAFGU na nakabase sa Brgy. Simsiman ang nasugatan sa sagupaang nag-umpisa alas-5:45 ng umaga.
Ayon kay Peralta, umabot sa 1,370 residente ang nilikas mula Brgys. Malagakit, Simsiman, Banucagon, at Central Tanasan noong kasagsagan ng bakbakan, na tumagal nang 11 oras.
Nakikisilong ang mga evacuee sa Pigcawayan National High School, kung saan sila inaayudahan ng mga ahensiya ng pamahalaan at civilian volunteers, aniya.
“Ongoing pa rin po ang clearing para makabalik na sa kanilang bahay ‘yung evacuees,” ani Birrey.
Noong Miyerkules ng gabi, narekober ng mga kawal ang 31 residente na pinalaya ng mga kasapi ng BIFF na nagtago sa Malagakit Elementary School, o nanakbo patungo sa ligtas na lugar nang tumigil ang bakbakan.
Matapos iyo’y narekober ang 32 pang residente ng Brgy. Malagakit na nagtago sa kanilang mga bahay, sabi ni Capt. Arvin Encinas, Army 6th ID public affairs officer.
Idineklara ng mga kawal na wala nang puwersa ng BIFF sa Malagakit pasado alas-6 ng gabi, matapos umanoang umatras ng mga rebelde patungo sa direksyon ng Brgy. Simsiman, aniya.
Ayon naman kay Birrey, nanatiling supendido ang klase sa kanlurang bahagi ng Pigcawayan, kung saan naroon ang mga barangay na apektado ng bakbakan.
Ito aniya’y dahil may ginagawa pang clearing operation ang pulisya’y militar.
Bukod dito, napag-alamang nagtamo ng pinsala ang Malagakit Elementary School at isang gusali ng Simsiman National High School noong kasagsagan ng bakbakan.
Ayon naman kay Alcarioto, maingat ang mga tropa ng pamahalaan sa pagsasagawa ng clearing operation dahil sa ulat na nagtanim ang mga kasapi ng BIFF ng mga improvised na bomba sa kanilang mga dinaanan. (John Roson)
– end –
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending