Ang palpak na Anti- Distracted Driving rules | Bandera

Ang palpak na Anti- Distracted Driving rules

Ira Panganiban - May 26, 2017 - 12:10 AM

NOONG nakaraang linggo ay ipinatupad ng Department of Transportation ang Republic Act 10913 o ang Anti Distracted Driving Act gamit ang Implementing Rules and Regulation (IRR) na  binuo nila.

Huwebes, Mayo 18, nang ipatupad ito at apat na araw makalipas, Lunes, Mayo 22, ay sinuspinde agad ng DOTr ang implementasyon ng bagong batas dahil sa dami ng reklamo at kaguluhan tungkol dito.

Palaging ganito ang  kasaysayan ng bansa natin pagdating sa mga bagong batas.
Kung ang salita ng batas ang titingnan mo ay makikita mong maayos at mahusay ang pagkakagawa. Pero paglatag ng IRR ay biglang nagugulo o magiging walang kwenta ang batas.

Tradisyonal na ang gumagawa ng IRR ay ang regulating agency na siyang magpapatupad ng batas na ito, pero sa hindi maipaliwanag na paraan ay palpak lagi ang lumalabas na “implementing guidelines.”

Ganyan ang nakita natin sa environmental laws, sa no-smoking laws, sa traffic laws at kahit yung mga batas sa pag-disiplina sa mga tiwaling tauhan ng pamahalaan. Uulitin ko, maayos ang batas pero magulo ang implementing guidelines.

Sa RA 10913, ang tanging layunin ng batas ay ipagbawal na hawakan ang mga mobile phones habang nagmamaneho. Ito ay dahil base sa pag-aaral sa buong mundo, ang paghawak ng kahit anong bagay habang nasa likod ng manibela ay sanhi ng mga aksidente.

Mismong si Senador JV Ejercito na may akda ng batas ay nagsabi na “misinterpreted ng IRR” ang batas sa anti distracted driving.
Ayon kay Ejercito, layunin lang ng batas na ipagbawal ang paggamit ng mobile gadgets habang nagmamaneho.

Simple ang batas: Pag nagmamaneho, hindi puwede hawakan o kalikutin ang mga mobile gadgets tulad ng laptops, tablets at cell phones. Maging kahit nakahinto sa traffic lights ay bawal galawin ang mga gadget na ito.

Hindi ko maintindihan kung saan galing ang isyu ng line of sight at mounting issue ng IRR. Dahil kung ipagbabawal nila ito, napakadaming bagay sa kotse ang kailangan tanggalin. Kasama na dito ang LTO sticker, ang rear view mirror, at ang sun visor for starters.

Nariyan din ang mga bagong teknolohiya ng mga makabagong sasakyan tulad ng “Heads Up Display” o HUD, at ang mga dashboard instrument monitors tulad ng nasa mga supercars.

Ang nakikita ko lang na dahilan ng mga hindi pinag-aralang probisyon sa IRR ay upang mapanatili ng mga lihis ang ugali sa traffic enforcement sector ang kanilang mga negosyo o pangongotong dahil kapag walang linaw ang batas, madali ang korapsyon.

Sana sa pagrebisa ng DOTr ng IRR nitong RA 10913 ay magsama sila ng mga totoong motorista. Huwag lang yung galing academe, industry representatives, government sector at international groups.
Walang alam ang mga yan if only because hindi sila araw-araw nagmamaneho sa lansangan dahil may mga  tsuper ang  karamihan sa kanila.

Dahil kung may nakakaalam ng reyalidad sa araw-araw na sitwas-yon ng trapiko, sinisiguro ko sa inyo, mga motorista yan, yung day-in-day-out na naiipit ng apat na oras sa trapiko.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected].

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending