Hero Angeles Balik-MMK; bobongga ang career kapag itinambal uli kay Sandara
PASABOG sana kung mabibigyan uli ng chance sina Sandara Park at Hero Angeles na magtambal uli sa isang proyekto. I’m sure marami pa ring tagasuporta ang dating Kapamilya loveteam.
In fairness naman kina Sandara at Hero, talagang sumikat din ang kanilang loveteam noon, talagang sinuportahan ng madlang pipol ang mga ginawa nilang TV show at pelikula. Feeling namin, marami ang matutuwa kapag pinagsama uli sila sa serye o movie, lalo na ngayong very visible uli ang Korean singer-actress sa Pilipinas.
Anyway, sa lahat naman ng naka-miss kay Hero, muli siyang mapapanood sa isa na namang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos, ngayong Sabado sa ABS-CBN.
Para sa Mother’s Day presentation, gagampanan ni Hero ang karakter ni Pia, isang transgender na handang gawin ang lahat bilang “ina” para sa batang lalaki na itinuring na niyang parang tunay na anak.
Sa kabila ng pangungutya at hindi pagtanggap ng sariling pamilya sa kanyang pagkatao, hindi sumuko sa buhay si Pia. Biglang mababago ang kanyang buhay nang dumating sa buhay niya si Lester, isang half-German, half-Filipino na sanggol na iniwan ng kanyang nanay na isang prostitute.
Mas lalong magagalit sa kanya ang pamilya dahil nagdala pa siya ng bagong problema sa bahay nila ngunit desidido siyang alagaan ang bata at palakihin na parang tunay niyang anak. Pinagsabay ni Pia ang pagiging labandera at parlorista para matustusan ang pangangailangan ni Lester.
Ngunit sa paglaki ng bata, magsisimula na itong magtanong tungkol sa kanyang pagkatao lalo na nang makaranas ng pambu-bully at panunukso sa pagkakaroon ng transgender na magulang. Kayanin kaya ni Pia kapag nawala sa buhay niya si Lester? Paano kung mas gustuhin ng bata ang bumalik na sa tunay niyang ina sa kabila ng pagsasakripisyo niya para sa anak?
Sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat nina Joan Habana at Arah Jell Badayos, makakasama rin sa MMK episode na ito sina Bugoy Cariño bilang Young Pia, Cherry Pie Picache, Louise Abuel as Lester, Emilio Garcia, Roxanne Barcelo, Jeff Gaitan, Miho Nishida, Lolie Mara, Marnie Lapuz, Marithez Samson at Kamille Filoteo.
Last year huling napanood si Hero sa MMK, at sa kanyang pagbabalik sa showbiz makaraang ang ilang taong pagkawala ay inamin niyang gusto na niyang magtuluy-tuloy ang kanyang career.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.