May solusyon sa DEPRESYON | Bandera

May solusyon sa DEPRESYON

- May 08, 2017 - 08:00 AM

depression 1

MARAMING klase ng mental illness/disorder o sakit sa pag-iisip na puwedeng makaapekto sa isang tao.

Isa sa maituturing na karaniwan at matindi lalo na kapag napabayaan ay ang depresyon. Narito ang ilang impormasyon tungkol sa depresyon na dapat mong malaman.

Ano ang Depresyon?

Ang depresyon ay isa sa karaniwang karamdaman sa buong mundo kung saan mahigit 300 milyong tao ang apektado. Ang depresyon ay iba sa karaniwang pagbabago ng kalooban o panandaliang emosyonal na tugon sa mga pagsubok sa araw-araw na pamumuhay.

Kung ito ay tumatagal at tumitindi, ang depres-yon ay nagiging seryoso na pangkalusugang kondisyon. Ito ang nagi-ging dahilan para ang isang apektadong tao ay magdusa at nahihirapang gumawa sa trabaho, eskuwela at pamilya.

Sa pinakamasaklap na kondisyon nito ang depresyon ay humahantong sa suicide o pagpapakamatay. Umaabot sa halos 800,000 tao ang namamatay bunga ng pagpapatiwakal kada taon. Ang suicide ay ang ikalawang nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga may edad na 15 hanggang 29 anyos.

Sa Pilipinas, ang suicide rate ay 2.5 sa mga lalaki at 1.7 sa mga babae (per 100,000 populasyon) ayon sa ulat ng National Center for Mental Health. Noong 2012, tinataya na aabot sa mahigit 2,500 ang nagpapakamatay: 2,008 lalaki at 550 babae ayon sa Department of Health.

Bagamat meron ng mga alam na epektibong lunas para sa depresyon, wala pa sa kalahati na apektado sa buong mundo (mas mababa sa 10% sa maraming bansa) ang nakakatanggap ng paggagamot.

Ang ilang hadlang sa epektibong pangangalaga ay ang kawalan ng mapagkukunan ng salapi o pondo, kawalan ng mga sanay na health-care provider at ang maling pananaw ng lipunan kaugnay sa sakit sa pag-iisip. Ang isa pang hadlang sa epektibong pangangalaga ay ang maling pagtatantiya nito. Sa mga bansa sa lahat ng antas ng kita, ang mga tao na nalulungkot ay kadalasang hindi nasusuri ng tama habang ang iba na wala naman ng nasabing sakit ay kadalasan nabibigyan ng maling diagnosis at niresetang gamot.

Ang problema ng depresyon at iba pang sakit na pangkaisipan ay patuloy na umaangat sa buong mundo. Kaya sa ginanap na World Health Assembly noong Mayo 2013 ay nagpasa ng resolusyon na nananawagan para sa kumprehensibo at maayos na tugon sa mga karamdaman sa pag-iisip sa antas ng bawat bansa.

SANHI NG DEPRESYON

Bagamat sumasang-ayon ang mga siyentipiko na ang depresyon ay isang sakit sa pag-iisip patuloy pa rin ang debate kung ano talaga ang sanhi nito. Maraming kadahilanan na nagdudulot ng depresyon at kabilang dito ang:

Genetic

Ang depresyon ay maaaring namana na kondisyon. Malamang na malaki ang tsansa na makaranas ka ng karamdaman na ito sa isang punto ng iyong buhay kung mayroon kang kapamilya na mayroong depresyon. Hindi naman alam ang eksaktong gene na may kinalaman dito.

Biochemical

May mga tao na madaling mapapansin ang pagbabago sa kanilang utak kapag may depres-yon. Bagamat ang potensyal na sanhi na ito ay hindi maintindihan, nagmumungkahi naman ito na ang depresyon ay nagsisimula sa paggamit ng utak. May ilan ding mga psychiatrist na tinitingnan ang brain chemistry sa mga kaso ng depresyon. Ang mga neurotransmitters ng utak tulad ng serotonin, dopamine o norepinephrine ay nakakaapekto sa pakiramdam natin tuwing masaya tayo at posibleng mawala ito sa balanse sa mga taong may depresyon. Ang paggamit ng antidepressants ang nagbabalanse sa mga neurotransmitters lalo na ang serotonin. Subalit hindi pa rin maintindihan kung bakit nawawala sa balanse ang mga neurotransmitters at kung ano ang eksaktong ginagampanan nila kapag dumaranas ng depresyon.

Hormonal

Ang pagbabago sa produksyon at paggamit ng hormone ay maaaring humantong sa pagsisimula ng depresyon. Ang anumang pagbabago sa estado ng hormone kabilang na ang menopause, panganganak, problema sa thyroid o iba pang karamdaman ay nagiging sanhi ng depresyon.

Seasonal

Tuwing umiigsi ang liwanag ng araw, maraming tao ang nakakaramdam ng antok, pagod at kawalan ng interes sa mga araw-araw na gawain. Ito ang tinatawag na seasonal affective disorder o SAD at isa itong kondisyon na agad naman nawawala kapag ang mga araw ay muling humahaba.

Situational

Ang panahon ng trauma, malaking pagbabago o pagsubok sa buhay ay nagiging mitsa ng depresyon. Ang pagkawala ng mahal sa buhay, pagkakatanggal sa trabaho, pagkakaroon ng problemang pinansyal at iba pang seryosong pagbabago ay nagiging malaking dagok sa isang tao.

MGA SINTOMAS NG DEPRESYON

Bagamat ang sintomas ng depresyon ay nagbabago base sa tindi nito mayroong pamantayan na sintomas na dapat bantayan. Ang depresyon ay hindi lang nakakaapekto sa isip at damdamin ng isang tao, ito rin ay nakakaapekto kung paano tayo kumikilos, kung ano ang ating sinasabi at maging sa relasyon natin sa ibang tao. Kabilang sa mga karaniwang sintomas nito ang:
Kalungkutan
Kapaguran
Hirap sa konsentrasyon o pokus
Panlulumo
Magagalitin
Iritable
Pagkabigo
Kawalan ng interes sa mga masayang aktibidad
Problema sa pagtulog (sobra o kulang)
Kawalan ng sigla
Pananabik sa mga pagkaing hindi naka-kabuti sa kalusugan
Pagkabalisa
Paglalayo ng sarili sa ibang tao
Kawalan ng pahinga
Pag-aalala
Hirap sa pag-iisip ng mabuti o pagdedesisyon
Kawalan ng gana sa trabaho o eskuwela
Hindi pagsali sa mga aktibidad
Kinokonsensiya
Mababang pagtingin sa sarili
Pag-iisip ng pagpapakamatay
Pananakit ng ulo o kalamnan
Pag-abuso sa paggamit ng droga o alkohol
Delusyon o kaya ay halusinasyon

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

DIAGNOSIS AT PAGGAGAMOT NG DEPRESYON

May mga epektibong paggagamot ng depresyon. May mga health-care provider na nagbibigay ng mga psychological treatment tulad ng behavioral activation, cognitive behavioural therapy at interpersonal psychotherapy o kaya antidepressant medication (tulad ng selective serotonin reuptake inhibitors at tricyclic antidepressants). Kasama rin sa iba pang psycholo-gical treatment ang individual o group face-to-face psychological treatment hatid ng mga propesyonal na doktor at mga nangangasiwang therapist.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending