Generika A nagparamdam agad sa PSL Beach Volley
AGAD nagpadama ng matinding atensiyon ang pares nina Patty Orendain at Fiola Ceballos ng Generika A matapos nitong biguin ang pares nina Mylene Paat at Janine Marciano ng Cignal B, 21-18, 21-17, sa pagsisimula ng 2017 Belo Philippine Superliga (PSL) Beach Volleyball Challenge Cup sa Sands SM By the Bay.
Kinailangan lamang ng pares ni Orendain, na dalawang sunod nakatuntong sa kampeonato ng torneo subalit bigong mauwi ang korona, at ang ilang beses tinanghal na kampeon habang naglalaro sa Central Philippines University na si Ceballos ng halos kalahating minuto upang makisalo sa liderato sa una nitong panalo sa Pool C.
Una naman tinalo ng Perpetual Help nina Marijo Medalla at Bianca Tripoli ang pares nina Rosalie Pepito at Kathleen Arado ng Generika Ayala-B, 21-19, 21-16, sa Pool A habang umahon sa unang set na kabiguan ang Cocolife nina Abie Nuval at Wensh Tiu para gulatin ang F2 Logistics A nina Cyd Demicillo at Fritz Gallenero sa loob ng tatlong set, 21-15, 18-21, 15-17, sa Pool B.
Sunod na sasagupain ng Cocolife ang isa pang matinding pares nina Cherry Rondina at Bernadeth Pons ng Petron Sprint 4T sa labanan ngayon upang umusad sa susunod na round. Makakatapat naman nina Orendain at Ceballos ang pares nina Aby Maraño at Cha Cruz na F2 Logistics B.
Nagwagi naman sa men’s division ang Generika Ayala kontra Wayuk, 21-12, 21-12; dinomina ng Cignal HD ang Perpetual Help B, 21-10, 21-19; namayagpag ang SM By the Bay laban sa TVM, 21-12, 21-11; nanaig ang Perpetual Help A kontra IEM B, 21-17, 21-13; nanalo ang Perpetual Help B laban sa IEM A, 21-19, 21-17; ginapi ng Generika Ayala ang Cignal HD, 21-7, 21-7; tinalo ng SM By the Bay ang IEM B, 21-15, 21-16; at dinomina ng IEM A ang Wayuk, 21-13, 21-12.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.