MAHIGIT isang dekada na ang lumipas nang bihagin ang puso ng mga Pinoy ng Taiwanese tele-novela na “Meteor Garden”.
Ngayon, mula umaga hanggang gabi ay makakapanood ka ng mga nakakikilig na Asian drama sa halos lahat ng channel sa regular TV channels.
Pinakapopular sa genre na ito ang mga serye na mula sa Korea.
Remember n’yo pa sina Shan Cai (Barbie Shu), Dao Ming Si (Jerry Yan), Hua Ze Lei (Vic Zhou), Mei Zuo (Vanness Wu) at Xi Men (Ken Chu) ng Meteor Garden?
Boys Over Flowers
Dahil sa sobrang kasikatan ng nasabing soap ay ginawan ito ng bersyon ng Korea kung saan ang pamagat naman nito ay ang Boys Over Flowers.
Pinagbibidahan ito ng mga sikat na Korean star na sina Lee Min Ho (Gu Jun Pyo); Ku Hye Sun (Geum Jan Di); Kim Hyun Joong (Yoon Ji Hoo); Kim Bum (So Yi Jung); at Kim Joon (Song Woo Bin).
Sa ngayon ay planong muli ng mga producer sa Taiwan na gawan ang Meteor Garden ng remake para sa mga millenials.
At makalipas ang mahigit dalawang dekada, lalo pang namayagpag ang mga Koreanovela sa Pilipinas kaya’t hindi na rin maiiwasang itanong kung natalo na rin ba ng mga serye mula sa Korea ang mga lokal na drama series sa bansa.
Blockbuster
Nag-uunahan pa ang dalawang malalaking network na ABS-CBN at GMA-7 para makuha ang rights ng mga blockbuster na Koreanovela. Bukod sa pagbili ng rights, gumagamit pa ang mga network ng mga dubbers para maisalin sa Filipino ang mga dayalogo ng bawat Koreanovela na ipinapalabas sa bansa para mas maging katanggap-tanggap sa mga manonood na Pinoy, at para mas madaling maintindihan.
Kasalukuyang ipinalalabas sa primetime ang dalawang Korean blockbluster na Love in the Moonlight at Moon Lovers: Scarlet Heart Ryeo.
Bida sa Love in the Moonlight na ipinapalabas sa ABS-CBN sina Park Bo Gum at Kim Yoo Yung. Starring naman sa Scarlet Heart ang mga sikat na Korean stars na sina Lee Joon Gi at si IU.
Goblin
Nakapila na rin na ipalabas sa ABS-CBN ang iba pang mga blockbuster na Koreanovela na katatapos pa lamang ipalabas sa Korea. Kabilang na rito ang super blockbuster na Goblin, na pinagbibidahan ng superstar na si Gong Yoo.
Si Gong Yoo ang bida sa blockbuster na pelikula na Train To Busan na talagang minahal hindi lamang ng mundo kundi maging ng mga Pinoy. Nakatakda pang ipalabas ang Train To Busan ni Gong Yoo sa GMA kung saan boses ni Dennis Trillo ang gagamitin sa pagsasalin nito sa Filipino.
Si Gong Yoo rin ang bida sa blockbuster na Coffee Prince na ipinalabas naman sa GMA.
Dahil sa mainit na pagtanggap sa Coffee Prince, na unang iniere noong 2008, muli itong ipinalabas noong 2014 sa GMA.
Ginawan pa ito ng Pinoy version na pinagbidahan nina Kris Bernal, Aljur Abrenica, Max Collins, at Benjamin Alves.
Ipinalabas ang Goblin sa South Korea simula noong Disyembre, 2016, at nagtapos sa unang bahagi ng 2017. Dahil ang Goblin ang itinuturing na pinaka blockbuster ngayong taon, ipinapalabas pa lamang ito sa Korea ay binili na agad ng ABS-CBN ang rights nito.
Blue Sea
Bukod sa Goblin at Love in the Moonlight, nakopo na rin ng ABS-CBN ang iba pang blockbuster na Koreanovela, kabilang na ang The Legend of the Blue Sea na pinagbibidahan ng superstar na si Lee Min Ho at Jun Ji Hyun. Si Jun Ji Hyun ang bidang babae sa blockbuster na My Love from the Star na ang bidang lalaki ay ang sikat din na si Kim Soo Hyun.
Nakapila na rin sa ipalalabas sa ABS-CBN ang Hwarang: The Poet Warrior Youth na pinagbibidahan ng mga sikat ring Korean star na sina Park Seo Joon, Go Ara and Park Hyung Sik.
Idagdag pa sa listahan na nakapila sa ABS-CBN ang W na pinagbibidahan nina Lee Jong Suk at Han Hyo Joo, gayundin ang Weightlifting Fairy Kim Bok Joo na pinagbibidahan nina Nam Joo Hyuk at Lee Sung Kyung.
Hindi rin mawawala sa nakapila sa mga ipapalabas sa ABS-CBN ang Doctors nina Kim Rae Won at Park Shin Hye. Sumikat si Kim Rae Won sa Pilipinas matapos ang kanyang sikat na Attic Cat na ipinalabas noon sa GMA, samantalang nakilala si Park Shin Hye sa bansa sa kanyang pagganap sa The Heirs at sa You’re Beautiful na kapwa ipinalabas sa ABS-CBN.
Descendants of the Sun
Noong isang taon, ipinalabas naman sa GMA ang blockbuster na Koreanovela na Descendants of the Sun na pinagbibidahan nina Song Joong Ki at ni Song Hye Kyo. Unang nakilala si Song Joong Ki sa kanyang pagganap sa The Innocent Man, samantalang sumikat naman si Song Hye Kyo sa blockbuster na Full House na kapwa ipinalabas sa GMA. Dahil sa kasikatan ng Full House, ginawan pa ito ng Filipino version ng GMA na pinagbidahan nina Heart Evangelista, Richard Gutierrez, Isabel Oli at Patrick Garcia.
Unang ipinalabas ang Full House ni Song Hye Kyo at ng isa pang superstar na si Rain noong 2005 at base sa Top 10 na Korean drama noong 2008, ang Full House ang nangunguna sa listahan kung saan umabot sa 42.3% ang nakuhang rating nito.
Top 10
Bukod sa Full House, kabilang sa pumasok sa Top 10 Korean drama sa bansa noong 2008 ay ang Stairway to Heaven Lee Jang Soo, Choi Ji Woo, Kim Tae Hee at Shin Hyun Joon. Ipinalabas ito noong 2005 sa GMA at nakakuha ng pinakamataas na rating na 36.1%. Number 3 naman ang Jewel in the Palace na pinagbidahan ni Lee Young Ae, Ji Jin Hee, Hong Ri Na, Im Ho, Yang Mi Kyung at Kyeon Mi Ri na ipinalabas din sa GMA noong 2005 at nakakuha ng pinakamataas na rating na 35.4%. Sumunod dito ang My Name Is Kim Sam Soon, na pinagbidahan nina Hyun Bin at Kim Sun A na napanood sa GMA noong 2006 at nakakuha ng pinakamataas na rating na 34.9%.
Dahil sa init ng pagtanggap ng mga Pinoy sa My Name Is Kim Sam Soon, ginawan pa ito ng Pinoy bersyon kung saan si Regine Velasquez at Mark Anthony Fernandez noong 2008.
Ang iba pang pumasok sa Top 10 noong 2008 ang ang Lovers in Paris (ABS-CBN), na ipinalabas noong 2004 at nakakuha ng pinakamataas na rating na 34.4%; Only You (ABS-CBN), na napanood noong 2006 at may pinakamataas na rating na 33.6%; Endless Love: Autumn in My Heart (GMA), na pinalabas noong 2003 at may pinakamataas na rating na 33.4%; Endless Love: Winter Sonata (GMA) noong 2003, na may pinakamataan na rating na 33.0% at ang Jumong (GMA), na ipinalabas noong 2007 at may pinakamataas na rating na 32.7%.
Sunod-sunod pa rin ang pagpapalabas ng mga Koreanovela at para sa 2016, ang Descendants of the Sun ang itinuring pinakasikat na Koreanovela na sumikat hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Pinagbibidahan ang Descendants of the Sun ng superstar na sina Song Joong Ki at ni Song Hye Kyo. Ipinalabas ang Descendants of the Sun sa GMA noong isang taon.
TV5, PTV4
Sa ngayon, hindi lamang ang ABS-CBN at GMA ang nagtatanghal ng mga Koreanovela. Sa katunayan maging ang TV5 at Channel 4 ay nagpapalabas na rin ng Tagalized version ng mga Koreanovela.
Gumawa na rin ang TV5 ng Pinoy version ng ilang sikat na Koreanovela, kabilang na rito ang Baker King na pinagbidahan ni Mark Nuemann at ang My Fair Lady, na pinagbidahan naman ni Jasmine Curtis-Smith, na pawang pinalabas noong 2015.
Samantala, inumpisahan naman ng government-run na PTV4 ang pagpapalabas ng mga Koreanovela noong 2014 sa Here Comes Mr. Oh.
Maging ang Net 25 ay nagpapalabas na rin ng mga Koreanovela, partikular ang Class7 Civil Servant noong 2014, Empire of Gold at Finding True Love.
Lee Min Ho
Sa harap ng ulat nang nakatakdang pagpasok sa mandatory military enlistment ng superstar na si Lee Min Ho sa susunod na buwan, inaasahang mas lalong aabangan ang kanyang huling Koreanovela na Legend of the Blue Sea na malapit na ngang ipalabas sa ABS-CBN.
Bakit nga ba patok na patok ang mga Koreanovela sa mga manonood na Pinoy?
Magiging banta kaya ang mga ito sa mga teleserye sa Pilipinas kung saan ang magiging apektado rin ay ang mga lokal na artista?
Kuha ng mga Koreanovela at maging ng Taiwanese teleserye ang panlasa ng mga Pinoy at habang gumagawa ang ibang bansa ng mga magagandang palabas na akma sa mga manood, patuloy na mapapanood ang mga banyagang teleserye sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.