SIMULA ngayon, magbibilang ako ng araw para malaman ang aksyon ng House of Representatives, Senado, DOLE at DFA sa pangako ni Pres. Duterte sa Qatar na bagong Department of OFW.
Sa totoo lang, kahit halos 2.3 milyon ang rehistradong OFW sa latest POEA statistics, mas marami ang nagsasabi na singdami rin nito ang “undocumented” o “direct hires” na walang papeles. Pero lahat ay ipit sa burukrasya ng DFA at DOLE. Kapag papeles o kaya ay may kaso, nagtuturuan ang dalawang ahensya.
Mayroon ngang labor attaché at consul pero dahil sa mga nakalilitong patakaran, kawawa ang mga may problemang OFW.
Naalala niyo ba noong July 2016, yung 11,000 na empleado ng Saudi Ager na wala nang makain, namumulot sa basurahan, walang mga trabaho pero ayaw umalis at hinihintay pa rin ang babayaran daw na sweldo? Ito ay problemang na-dribol ng mga dating nakaupo sa DFA at DOLE hanggang sa lumala nang lumala.
Mabuti na lamang, naresolba ito ng Duterte administration nang ipadala si Sec. Bebot Bello roon. Pinauwi ang mga kababayan natin nang libre, at pinangakuang babayaran ng Saudi government bukod sa balik-trabaho. At para may maiuwi sa kanilang pamilya, binigyan sila ni Duterte ng tig 2,167 Saudi riyals o P26,000 para may maiuwi kahit papaano sa kanilang mga pamilya.
Mabuti nakarating sa Malakanyang ang problema, pero paano iyong iba?
Naalala rin ba ninyo ang malaking budget ng DFA noon na merrong P900 milyon “legal defense budget” para sa mga kaso ng mga OFW na binawasan ni dating Pangulong Noynoy? Wala kasing budget ang DOLE rito at wala silang “legal representation” para humarap sa mga kaso sa abroad. Magulo ang sistema, at wala pang pondo .Kapag may bibitayin at kailangan ng “blood money”, pati pondo ng PCSO nagagalaw.
Sa ngayon, meron nang 5,478 na mga OFWs sa mga kulungan sa Malaysia at sa Middle East, mga taong ito na hindi naman “drug couriers” na ipinakulong ng kanilang employers sa ibat-ibang imbentong kaso.
At dahil turuan nang turuan ang DOLE-POEA at ang DFA, sila ang nagdurusa dahil sa halos walang ayuda mula sa gobyerno.
Sa totoo lang, marami pang gagawing trabaho ang DOLE para sa bayan (contractualization- labor standards at inspections- strikes at iba pa).
Ang DFA naman ay inaasikaso ang mga kababayan nating 10.2 milyon sa buong mundo bukod pa sa consular services ay ang ating international reputation.
Talagang panahon na para maitayo ang OFW Department para personal na asikasuhin ang mga kababayan natin na nagpapadala ng average $1,378 taun-taon $24 bilyon OFW total remittances.
Sila ang mga tunay na bagong bayani na matagal nang pinapaganda ang ating ekonomiya dahil sa kanilang pawis ,dugo at pagtitiis sa ibang bansa.
Madali namang gawin kung tutuusin, POEA, OWWA pati na ang Philippine Maritime Authority Seamans Board-DOTC ay dapat pagsamahin sa loob ng isang Department of OFWs upang tuluyan nang mawaglit ang confusion o kalituhan sa pagitan ng DFA at DOLE.
Sa hinaharap, kapag “labor migration” ang pag-uusapan, magiging government to government at “cabinet level” ang lahat ng transaksyon. Ang ating OFW secretary ang may poder over and above ng DFA, DOLE, DOTC pagdating sa isyu ng OFW.
Kailan ba iyan, Speaker Alvarez at Senate President Pimentel?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.