Huwebes Santo na, Visita Iglesia na | Bandera

Huwebes Santo na, Visita Iglesia na

Leifbilly Begas - April 13, 2017 - 08:00 AM

bandera-3NEWISA ang Visita Iglesia o ang pagdalaw sa mga simbahan sa mga panata ng mga Katoliko tuwing Huwebes Santo.

Kung may balak kang mag-Visita Iglesia ay narito ang ilang simbahan sa Metro Manila na maaari mong ikonsidera.

Manila Cathedral

Sa dami ng mga sikat na tao na ikinasal dito, bakit hindi mo subuking pasyalan ang Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o mas kilala bilang Manila Cathedral sa Plaza Roma sa Intramuros?

Isa ito sa pinakalumang simbahan sa bansa pero marami pa rin ang hindi nakakapapasyal dito, kahit na ang iba na taga-Metro Manila o malapit sa Kamaynilaan nakatira.

Ilang beses nang inayos ang Manila Cathedral sa nakalipas na limang siglo.

Noong 2012, isinara sa publiko ang simbahan para mapatibay ito. Binuksan itong muli noong Abril 2014. Ang orihinal na istraktura ay itinayo noong 1581.

Nang pumunta si Pope Francis noong 2015, nagdaos siya ng misa roon.

Sta. Ana Church

Isang national treasure ang Parish of Our Lady of the Abandoned o Sta. Ana Church.
Ang simbahang ito ay itinayo noong panahon ng mga Kastila ng mga Franciscan missionaries noong 1578. Ang mga bato sa kasalukuyang simbahan ay itinayo naman noong 1720.
Mayroong dalawang national cultural treasure sa simbahan— ang Santa Ana Site Museum at ang Camarin de la Virgen o ang Dressing Room of the Virgin.

Antipolo Church

Puntahan naman ng mga nag-aalay lakad ang katedral ng Antipolo o Our Lady of Peace and Good Voyage (Nuestra Señora dela Paz y del Buen Viaje).

Nasa simbahan ang 17th century wooden image ng Birheng Maria na dinala sa bansa ni Gubernador General Juan Niño de Tabora mula sa Mexico sakay ng galleon na El Almirante noong 1626.

Kilala ang simbahang ito na nabanggit sa isinulat ni Rizal.

Ang Canonical coronation ng simbahan ay pinayagan ni Pope Pius XI noong Hunyo 1925.

Maraming deboto ang pumupunta sa simbahan at marami ang nag-aalay lakad patungo roon kapag Mahal na Araw.

Monasterio de Sta. Clara

Kilala ang Sta. Clara Monastery sa mga deboto na nagdadala ng itlog bilang alay.

Matatagpuan sa Katipunan sa Quezon City, ang Simbahan ay pinamamahalaan ng Order of Saint Clare of Assisi.

Naroon ang relic ng santa kaya dinarayo ito at inaalayan ng dasal lalo na ng mga tao na humihiling na maging maganda ang panahon sa partikular na araw kalimitan kung kailan idaraos ang isang mahalagang araw sa kanilang buhay.

Ang clara ay nangangahulugang ‘fair weather’ at ‘puti ng itlog’ kaya sng resulta ay pag-aalay ng itlog kay Sta. Clara para sa magandang panahon.

Malate Church

May 150 taon na ang Our Lady of Remedies Parish Church (Nuestra Señora de los Remedios) o Malate Church. Ang orihinal na simbahan ay itinayo noong 1588 kaya mahigit na itong 400 taon. Matapos sirain ng lindol at bagyo, ang simbahan ay muling itinayo noong 1864.

Ang imahe ng Our Lady of Remedies ay dinala sa bansa noong 1624 mula sa Spain ni Padre Juan de Guevera. Makikita pa rin sa altar ng simbahan ang imahe.

Baroque ang disenyo nito at mula sa himpapawid ay nagkokorte itong krus.

San Agustin Church

Malapit sa Manila Cathedral ang San Agustin Church o Iglesia de la Inmaculada Concepcion de Maria de San Agustin sa Intramuros.

Natapos ang simbahan noong 1607 at nanatiling nakatayo matapos ang maraming kalamidad na dumaan at dalawang World War.

Isa ang simbahan ng San Agustin sa apat na itinalaga ng UNESCO bilang World Heritage Site sa ilalim ng titulong Baroque Churches of the Philippines.

Ang unang San Agustin Church ay itinayo noong 1571 at gawa sa kawayan at kahoy. Nasunog ito.

Noong 1583 ay muling itinayo ang simbahan pero nasunog muli ito dahil sa kandila.

Nagpasya ang mga Augustinian na isang simbahan na gawa sa bato ang itayo at sinimulan ito noong 1586. Mga adobe na kinuha sa Meycauayan, Binangonan at San Mateo, Rizal ang ginamit dito.

Natagalan ang paggawa sa simbahan dahil sa kakulangan ng pondo at natapos noon lamang 1607.

bandera-5

Binondo Church

Nasa Binondo, Maynila ang Minor Basilica of St. Lorenzo Ruiz na tinatawag ding Our Lady of the Most Holy Rosary Parish (Parroquia Basílica de San Lorenzo Ruiz y Nuestra Señora del Santísimo Rosario).

Nasira ang simbahan noong gera at muling itinayo noong 1852. Muli itong nasira noong World War II.
Itinayo ito ng mga Dominikano noong 1596 upang tulungan ang mga Intsik na naging Kristiyano. Si San Lorenzo Ruiz ay anak ng isang Intsik na ama at Filipina.

Si San Lorenzo ang unang santo na Filipino.

Nasira ang orihinal na simbahan noong 1596 dahil sa pambobomba. Isang simbahan na gawa sa granite ang itinayo at muling nasira noong WW II.

Quiapo Church
Hindi maaaring mawala sa listahan ng mga dinudumog ang Quiapo Church o Minor Basilica of the Black Nazarene.
Isa ang simbahang ito sa dinarayo dahil nasa puso ito ng Maynila. Maraming maaaring daanan upang mapuntahan ito.
Sikat ang simbahang ito hindi lamang tuwing Traslacion kundi maging sa Mahal na Araw.
Gawa sa kawayan at nipa ang unang simbahang itinayo pero sinira at sinunog ito noong 1574 ng grupo ni Limahong. Muli itong itinayo at sinira ng gera at lindol.
Muli itong itinayo noong 1879 sa tulong ni Rev. Manuel Roxas na lumikom ng pondo. Noong 1928 muling nasunog ang simbahan.
Noong 1933, ipinatayo muli ang simbahan batay sa plano na iginuhit ng national artist na si Juan Nakpil, anak ng kompositor na si Julio Nakpil.
Pinalaki ng architect na si Jose Maria Zaragoza ang simbahan at pinalitan ang disenyo ng mga pader nito noong 1984.
Ang imahe ni Nuestro Señor Jesus Nazareno ay ginawa sa Mexico at dinala sa bansa ng mga Espanyol.
Sinasabing ang imahe ay milagroso at marami na umanong nagawan ng himala kaya patuloy na dumarami ang deboto nito.

San Sebastian Church

Kilala ang San Sebastian Church (Basilica Menor de San Sebastian) sa arkitektura ng imprastraktura nito.

Natatangi ito dahil gawa ito sa bakal at nag-iisa na pre-fabricated steel church hindi lamang sa bansa kundi sa mundo.

Idineklara na rin itong National Historical Landmark at nakasama sa tentative list ng UNESCO World Heritage Site.

Noong 1621, ibinigay na donasyon ni Bernadino Castillo, isang deboto ni San Sebastian, ang lupa kung saan itinayo ang simbahan.

Ang orihinal na gusali ay gawa sa kahoy at nasunog noonv 1651. Sumunod na itinayo ang gusali na gawa sa bato na nasira rin ng sunog at lindol.

Noong 1880s, hiniling ni Padre Esteban Martinez sa Spanish architect na si Genaro Palacios na gumawa ng fire at earthquake proof na gusali.

Ang mga bakal na ginamit ay ginawa sa Belgium at isinakay sa walong barko. Ang unang shipment ay dumating noong 1888. Ang unang poste ay itinayo noong Setyembre 11, 1890.

Ang pader ay ginamitan ng semento at ang stained glass ay inangkat mula sa isang German company.

Sto. Domingo Church

Ang National Shrine of Our Lady of the Rosary o Sto. Domingo Church (Santuario Nacional de Nuestra Señora del Santisimo Rosario de La Naval de Manila) ay isa sa pinakamalalaking simbahan sa Metro Manila.

Ang unang simbahan ay itinayo noong Agosto 6, 1587. Nagkakahalaga ng P300 ang lupa at ang konstruksyon ay P3,000. Dito inilagay ang Miraculous Image of Our Lady of The Rosary na mula sa Mexico.

Ilang beses na nasira at itinayo ang simbahan. Ang huli ay matapos ang Second World War. Kinuha ng mga Dominikano si Jose Ma Zaragoza upang gumawa ng disenyo.

Nasa simbahan ang pipe organ na gawa ni Fray Gregorio Hontomin. Galing ito sa Hong Kong.

Cubao Church

Ang Immaculate Conception Cathedral o Cubao church ay ginawa noong 20th century.

Nagsimula ito bilang isang parokya noong 1950 at naging katedral noong 2003 matapos na itayo ang Diocese of Cubao.

Noong Disyembre 8, 1949, ang patron ng San Isidro Labrador ay pinalitan ng Our Lady of the Immaculate Conception. Itinayo ang simbahan noong 1950 at ang unang bato nito ay inilagay sa pista ng Immaculada noong Disyembre 8.

Our Lady of Mount Carmel Shrine

Naging isang national shrine ang Our Lady of Mount Carmel Shrine sa Quezon City noong 2005.

Ang pagpapatayo ng simbahan ay nagsimula noong Disyembre 1954 kasabay ng pagtatayo ng Order of Discalced Carmelites.

Ang lupa sa Broadway kung saan itinayo ang simbahan ay binili ng mga madre mula kay Magdalena Hemady, balae ni Sen. Claro M. Recto sa halagang P180,000.

Pasig Church

Ang Immaculate Conception Cathedral o Pasig Cathedral ay isa sa pinakalumang simbahan sa bansa.

Itinayo ito noong 1573 ng mga paring Augustinian. Una itong itinayo sa Brgy. Pinagbuhatan area subalit dahil sa madalas na pagbaha, ito ay inilipat sa kasalukuyang puwesto nito na malapit sa city hall.

Pinanatili ng mga nangangasiwa rito ang Baroque style architecture sa labas ng simbahan bagamat may pagka-moderno na ng loob nito.

Guadalupe Church

Sa gitna ng mga nagtatayugang gusali sa Makati City ay matatagpuan ang Nuestra Senora de Gracia Church o Guadalupe Church.

Ang disenyo nito ay pinaghalong Romanesque at Baroque architectural styles.

Napanatili ng simbahan ang itsura nito bagamat ilang beses na itong ipinaayos dahil sa dumaang kalamidad.

Baclaran Church

Ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o Redemptorist Church, na mas kilala sa tawag na Bac-laran Church, ay isa sa pinakamalalawak na Marian church sa bansa.

Libo-libo ang mga deboto na pumupunta rito lalo na kapag Miyerkules.

Ang loob ng simbahan ay maaaring pasukin ng 2,000 katao pero maaaring tumayo ang may 9,000 iba pa na nais makinig ng misa.

Ayon sa website ng simbahan, umaabot sa 120,000 deboto ang pumupunta sa simbahan para mag-novena kapag Baclaran day.

Nagsisimulang dumagsa ang mga deboto ng alas-4 ng umaga at hanggang hatinggabi ay mayroon pa ring mga pumapasok para magdasal.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending