Willie isinugod sa ospital ang babaeng nakasama ng 4 na dekada; nagpamisa sa Wowowin
KAHAPON, bago ginanap ang huling taping ng Wowowin bago ang bakasyon, ay nagdaos muna ng misa sa mismong studio ng matagumpay na show ni Willie Revillame.
Kumpleto ang staff, ang kanilang mga kaibigan, ang misa ay para sa matinding pinagdadaanan ngayon ng apat na dekada nang sekretarya ni Willie na si Ate Tess Mationg.
Huwebes nang gabi isinugod si Ate Tess sa St. Luke’s Medical Center sa E. Rodriguez. Nasa kuwarto ito ni Willie nang dumating sa matinding pananakit ng kanyang ulo.
Pinapayuhan ito ni Willie na magpa-check-up na, pero ayon kay Ate Tess ay huwag na lang, hanggang sa magsuka na ito at mawalan ng malay.
Iniwanan ni Willie ang ikalawang sultada ng taping ng Wowowin, kasama ang ilang staff ay dinala niya sa St. Luke’s si Ate Tess, hindi niya iniwan ang pinagkakatiwalaan niyang assistant hanggang hindi pa naipapasok sa ICU.
May problema sa puso si Ate Tess, meron itong iniinom na gamot bilang maintenance, pero nang gabing ‘yun ay bumigay ang kanyang katawan.
Napakalaking pagkapilay para kay Willie ang pagkakaospital ni Ate Tess. Ito ang nakakaalam ng lahat ng transaksiyong pinapasukan ni Willie, ito ang nakakaalam ng lahat-lahat sa buhay ng aktor-TV host, walang ibang makapapantay sa pagseserbisyo sa kanya ni Ate Tess.
Nasa ICU na si Ate Tess nang bumalik sa studio si Willie para tapusin ang ikalawang taping ng Wowowin.
Nakita siya ng marami na namumugto ang mga mata, hindi ‘yun nakagugulat, dahil si Ate Tess ang nakasama niya sa kanyang pagbagsak at pagbangon.
Natatapos ang pakikipagrelasyon ni Willie pero palaging nandiyan lang si Ate Tess. Napakatapat nito sa aktor-TV host.
Isa lang ang ibinilin ni Willie Revillame sa mga doktor ng St. Luke’s, gawing lahat ng mga ito ang paraan para mabilis na maging maayos ang kalagayan ni Ate Tess Mationg, siya ang bahala sa lahat-lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.