DA who ang isang opisyal ng gobyerno na lumalabas ang pagka-bratinela (as in pagiging spoiled brat) wala pang isang taon sa kanyang puwesto?
Kamakailan, ipinakita ng kontrobersiyal na opisyal ang kanyang kulay matapos namang manita na at magtatalak na animo’y empleyado niya ang pinagsasabihan.
Usap-usapan na dahil nanggaling sa mayamang pamilya ang opisyal, may sarili itong team na kanyang buntot-buntot sa lahat ng kanyang lakad na animo’y laging nagsu-shooting ng pelikula sa damit ng kasamang staff.
Hindi pa man lusot sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang opisyal ay feeling ay empleyado niya ang lahat ng kausap.
Ginagamit pa ng opisyal ang Simbahang Katoliko para makakuha ng suporta.
Nakipagpulong ang opisyal sa Obispo para siya iendorso sa kanyang pagkakatalaga.
Balitang humingi pa ng tulong sa Simbahan ang kontrobersiyal na opisyal dahil hindi makalusot-lusot sa CA.
Nito ngang huli, maging ang mga empleyado ng ahensiyang kanyang kinabibilangan ay nag-aalsa na sa opisyal.
Usap-usapan kasing walang sariling desisyon ang opisyal. Madaling mabuyo ng mga nakapaligid sa kanya at kapag nabulungan ay sibak agad ang pinag-iinitang mas mababa sa kanya dahil nakikinig sa bulong ng hindi idinadaan sa proseso.
Bagamat kilalang galing sa mayamang pamilya, hindi naman siya talaga humahawak ng negosyo ng pamilya kayat hindi kataka-taka na wala namang management style ang kontrobersiyal na opisyal.
Dati nang itinalaga ang opisyal bilang adviser dahil nga sa adbokasiya na kanyang isinusulong pero wala ring nakitang pagbabago sa hinawakang proyekto.
Ang adbokasiya rin niyang isinusulong ang tanging naging dahilan kaya siya biglang itinalaga sa kanyang puwesto.
Ngayong nakaupo na ang opisyal, ang tingin niya sa lahat ay kanyang empleyado pa rin gayong kung tutuusin siya na dapat ang nagsisilbi sa bayan bilang isang opisyal ng gobyerno.
Kilalang namimersonal din ang opisyal kapag nababatikos.
Ang siste, taliwas ang inaasal ng opisyal sa isinusulong mismo ng negosyo ng kanyang pamilya.
Dapat ay kumuha muna ng seminar ang opisyal sa kompanyang pinapatakbo ng kanyang pamilya para matuto ng public relations.
May clue na ba kayo sa opisyal na tinutukoy ko?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.