Pacquiao-Horn title bout hindi pa opisyal
HINDI pa opisyal ang laban nina Manny Pacquiao at Jeff Horn.
Ito ay matapos na tumanggi na ideklara ng mga promoter kahapon na tuloy na ang laban nina Pacquiao at Horn kung saan nabanggit nitong walang laban na mangyayari hangga’t hindi pirmado ang kontrata.
Nauna nang inanunsyo ng kampo ng Pinoy boxing champion nitong Miyerkules na makakaharap ni Pacquiao si Horn sa Brisbane, Australia ngayong Hulyo.
Subalit ang grupo ng mga negosyante na suportado ang laban kabilang ang Queensland state government at mga promoter na Duco Events at Top Rank Boxing ay hindi naman nagbigay ng pormal na anunsyo patungkol sa laban.
“Until (the) process is completed, where all parties are contractually bound, there is no event to be announced,” sabi ng Duco sa isang pahayag.
“Media speculation has seen a lot of expectations created, and then dashed in months gone by with this event.”
Sinabi noong isang araw ng advisor ni Pacquiao na si Michael Koncz na makakasagupa ng 38-anyos na welterweight champion ang 29-anyos na si Horn sa Hulyo 2.
Ito naman ang ikalawang pagkakataon na ikinasa ang laban matapos na magdesisyon si Pacquiao na habulin ang mas malaking laban kontra British boxer Amir Khan sa United Arab Emirates hanggang sa hindi magkaroon ng kasunduan.
Sinabi rin ng kampo ni Pacquiao kahapon na habol nito ang maagang panalo laban kay Horn para maihanda ang laban kay Khan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.