Kung matutuloy ang impeachment kay Leni…
NGAYON, malabo na talaga na ma-impeach si Pangulong Duterte.
Mataas pa ang kanyang popularity rating at marami pa siyang kaalyado sa Kamara na isang mahalagang aspeto para umusad ang isang impeachment complaint.
Marami ring nagdadalawang-isip na suportahan ang impeachment laban kay Duterte dahil ang otomatikong papalit sa kanya ay si Vice President Leni Robredo ng Liberal Party.
Ok naman sila kay Robredo pero natatakot sila na maging sunod-sunuran lamang ito sa mga nakapaligid sa kanya. Mabait kasi si Robredo at hindi siya isang true blooded politiko.
Pero ibang usapan kung si Robredo ang mai-impeach.
Kokonti lamang ang miyembro ng LP sa Kamara at Senado. At kung babastunin nang mabuti ay baka umusad ang reklamo at maging kaso na ihahain sa Senado aka impeachment court.
Naniniwala noon ang mga kaalyado ni Robredo na hindi papasa ang Death Penalty bill sa Kamara, pero sa huli, nagawa ito ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Ang posisyon noon ng LP ay tutol sa panukala.
Hindi pa tapos ang election protest laban kay Robredo na inihain ng katunggali na si dating Sen. BongBong Marcos.
Kaya tanong ng marami, kapag na-impeach ba si Robredo si Marcos ba ang papalit?
Ang sagot ng nakararami ay matunog na hindi.
Kung mananalo si Marcos sa election protest, syempre hindi na kailangang ma-impeach si Robredo (tanggal na nga siya eh).
Ang isang scenario na kanilang nakikita, kung maalis si Robredo magkakaroon ng kapangyarihan si Duterte na magtalaga ng kanyang magiging bise.
Ayon sa Section 9 ng Article VII (Executive Department) “Whenever there is a vacancy in the Office of the Vice-President during the term for which he was elected, the President shall nominate a Vice-President from among the Members of the Senate and the House of Representatives who shall assume office upon confirmation by a majority vote of all the Members of both Houses of the Congress, voting separately.”
May pagkakahawig ito sa nangyari nang maupo bilang presidente si Vice President Gloria Macapagal Arroyo matapos na umalis sa Malacanang si Pangulong Joseph Estrada.
Umakyat si Arroyo at itinalaga niya na kanyang bise ang noon ay senador na si Teofisto Guingona Jr.
Kung mai-impeach si Robredo, magtatalaga si Duterte ng kanyang bise mula sa hanay ng mga senador at kongresista.
At palagay ng marami, nakalalamang sa ganitong scenario si Sen. Alan Peter Cayetano.
Si Cayetano ang running mate ni Duterte noong 2016 elections.
Kung tama ang pagkakaalam ko, si Cayetano ay napangakuan na itatalagang kalihim ng Department of Foreign Affairs kapag nagtapos ang kanyang ikalawang sunod na termino sa 2019.
Hindi na siya maaaring tumakbo sa pagkasenador (hanggang 2 magkasunod na termino lang) . At sa 2022 pa ang susunod na presidential at vice presidential elections.
Kaya kung mayroong mga pabor na alisin si Robredo (kahit na nagsalita na si Duterte na huwag siyang i-impeach), meron din namang naghihinay-hinay sa pagtugon sa panukalang ito.
Ang kanilang tinitingnan ay kung sino ang makikinabang.
Baka rin naman mali ako. Baka hindi si Cayetano ang italagang bise. Pwede rin naman kasi si Senate President Koko Pimentel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.