Mga lider ng bansa magtrabaho muna bago ang bangayan
KAMAKAILAN ay napaulat na ang Philippine peso ang siyang worst currency sa buong mundo ngayong 2017 dahil sa patuloy na pagbaba ng halaga nito.
Sa kasalukuyan ay nasa halos P50 kada dolyar ang halaga ng piso.
May pagkakataon pa nga itong umabot sa mahigit P50 kada dolyar at pinangangambahan na pumalo pa ito sa P51 bago matapos ang taon.
May banta rin ng rice shortage kapag sumapit ang lean season o ang kakulangan ng bigas sa buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto dahil sa kakulangan ng suplay.
Bukod pa rito patuloy na tumataas ang presyo ng bigas, gayundin ang presyo ng mga bilihin.
Ito ang panahon na hindi mo maiiwasang itanong sa iyong sarili kung dapat mo pa bang ipagmalaki ang pagiging isang Pinoy mo dahil sa nangyayari garapalan sa bansa.
Ito ang panahon na inaalmusal na lamang ng mga Pinoy ang pagmumura.
Hindi rin maipagkakaila na naging normal na ang pagsisiwalat ng pribadong buhay na dapat ay hindi na pinag-uusapan sa publiko.
Sa unang mga buwan pa lamang ng administrasyon, bukod sa mga kaso ng extrajuducial killings dahil sa kampanya ng gobyerno sa droga, laman din ng balita ang kaliwa’t kanang bangayan ng mga lider ng bansa.
Sa Kamara, imbes na magpokus sa mga kinakailangang batas ng administrasyon, kapwa baho ng administrasyon ang nauungkat bunsod na rin ng away ng mga mambabatas na kilalang malapit sa administrasyon.
Sinasabing away ng mga girlfriend ang pinagmulan ng gusot nina Speaker Pantaleon Alvarez at ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo.
Ito’y sinundan pa ng pag-amin ni Alvarez na marami siyang anak sa iba’t ibang babae.
Kung ang mga ordinaryong mamamayan ang tatanungin, wala silang pakialam sa mga extra-curricular activities ng ating mga opisyal.
Mas hindi katanggap-tanggap na imbes na magtrabaho sa Kamara, pinagpipiyestahan pa tuloy ang pribadong buhay ng mga opisyal dahil sila na rin ang nagsapubliko.
Mas iniisip ng mga mahihirap kung paano mabuhay sa araw-araw at paano mapagkakasya ang kakarampot na kita sa harap ng patuloy na pagtaas ng bilihin.
Sa huli, sasabihin pa ng mga Pinoy na habang sumisikat ang Pilipinas sa buong mundo dahil sa mga kontrobersiyang kinakaharap ng mga pinuno nito, humihirap naman ang buhay para sa mga ordinaryong mamamayan.
Kayat imbes na magbangayan, dapat isipin ng ating mga pinuno na mas importante pa rin sa mga nagugutom na Pinoy ang malapit sa kanilang sikmura kesa sa makinig sa mga pribadong buhay ng ating mga opisyal.
Wala nang magagawa ang mga botante dahil sa pagboto sa inyo, ang tanging mapapanawagan na lamang ay magtrabaho naman kayo para makatulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pinoy.
Wag ding magpakampante na lamang na dahil sa popular ang administrasyon, sasakay na lamang kayo sa suporta na tinatamasa ng boss n’yo.
Dapat na mapagtanto ng ating mga lider na ang mga Pinoy ang totoong boss n’yo kaya’t mga Sir, magtrabaho naman po kayo!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.